Home OPINION TAGUMPAY AT KORAPSYON SA PROGRAMANG 4Ps

TAGUMPAY AT KORAPSYON SA PROGRAMANG 4Ps

SA nakalipas na 10 taong programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), iniuulat ng Department of Social Welfare and Development na libo-libong bata mula sa mga benepisyaryo ng programa ang nakatapos na sa kolehiyo.

Hindi lang ‘yan, mga brad, marami pa ang ginawaran ng matataas na karangalan sa mga kolehiyo o unibersidad sa kanilang pagtatapos.

Kaya naman, sinasabi ni DSWD Assistant Secretary for disaster response and management group and spokesperson Irene Dumlao na tagumpay ang programa sa pamumuhunan sa mga mamamayan.

Human capital, pamumuhunan sa tao o sa mamamayan ang tawag sa pagtustos sa pag-aaral ng bata mula sa simula hanggang sa makatapos sila nang karampatang edukasyon.

Ayon kay Dumlao, may 32,556 umanong dating batang nakapailalim sa programa ang nakatapos na sa kolehiyo.

Lalong magandang malaman na 82 ang nagtapos na magna cum laude, 1,135 cum laude at 132 may ispesyal na pagkilala habang 49 ang naging board topnotcher sa mga pagsusulit pampropesyonal na isinagawa ng pamahalaan.

Sa kabila nang maraming kamalian, kasama ang korapsyon, sa programang ito, kahit paano, may magandang balita.

Maalala ko nga pala, nagsimula ang programa noong 2007-2008 o termino ni ex-President Gloria Macapagal-Arroyo.

Pangunahing pinagtuunan ang sapat at masustansyang pagkain ng pamilyang mahihirap at kakambal nito ang pagsustena sa pag-aaral ng mga bata.

Mula sa apat na bayan sa Nueva Ecija at 7,545 rehistradong pamilya, lumago na sa mahigit 4.4 milyong pamilya ang benepisyaryo.

Kung ikukumpara ang bunga ng “human capital” sa larangan ng edukasyon, napakaliit ang success rate.

Pero ang higit na mahalaga, milyon-milyon ang naliligtas sa gutom at kahirapan at nakaaabot sa sapat na edukasyon ang higit na nakararami sa mga benepisyaryo.

‘Yung mga korap na dumudukot sa bilyon-bilyong pisong pondo rito at gumagamit sa milyon-milyong benepisyaryo rito sa pamumulitika, sana tumigil na para lubos na magtagumpay ang programa.