Home OPINION MGA HIGANTENG BANSA

MGA HIGANTENG BANSA

LUMALA ang tensyon sa West Philippine Sea  nitong mga nakaraang linggo bunsod sa puwersahang panggigipit ng China laban sa ating mangingisda at grupong  nagdadala ng suplay ng pagkain sa ilang mga sundalo natin sa BRP Sierra na tumatayong kaisa-isang taga-bantay sa inaangking teritoryo.

Kung pagbabatayan ang mapanuring mata ng ilang ekspertong politikal, hindi malayong mauuwi sa malaking kaguluhan ang magaganap kapag hindi maghinay-hinay ang mga Tsino na sukdulang pambabalya ang ginagawa sa mga kababayan natin doon.

Kagaya nitong nangyaring pagkumpiska ng Chinese Coastguard sa ibinabang pagkain sa Ayungin Shoal malapit sa BRP Sierra Madre kung saan agarang dumepensa umano ang ating mga sundalo upang hindi sapilitang makuha ito ng mga Tsino.

Batid ng bawat isa na gagampanan ng ating mga sundalo ang pagbabantay sa teritoryo ng bansa sa gitna ng panganib na kinakaharap nila sa kamay ng dambuhalang bansang maliwanag pa sa sikat ng araw na inagaw lang naman sa ‘Pinas.

Bagaman ang Department of Foreign Affairs ang naatasang mag-ayos ng sigalot na ito sa pamamagitan ng diplomatikong paraan subalit mauuwi pa rin ito sa kawalan ng saysay dahil bulag at bingi ang China sa sangkatutak na diplomatic protest na inihain ng ating gobyerno.

Sa madali’t sabi,tanging ang pagdepensa na lang ng United States  at iba pang higanteng bansa ang sandalan natin ngayon bunsod sa sarado na ang mga Tsinoy sa mapayang pag-uusap na patuloy na ginagawa ng ating gobyernong biktima nang mapang-aping bansa.

Ngunit kailangan pa rin dito na maging mahinahon ng ating pamahalaan dahil sa isang agresibong hakbang ay posibleng maging mitsa ito nang pagsiklab ng hindi inaasahang kaguluhan sa WPS kung saan marami ang madadamay na mga sibilyang karamihan ay mangingisda.

Ano nga ba ang laban ng isang katulad natin sa kamay ng isang dambuhalang agilang anomang oras ay kayang dagitin at lupigin sakaling gugustuhin?