HABANG tinitipa ito, mga Bro, wala pang balita kung sino ang uupong chairman at iba pang bubuo ng Senate blue ribbon committee, ang komiteng nagkakalkal ng korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan at iba pa gaya ng krisis sa barilan sa Senado kamakailan…in aid of legislation at posibleng pagrerekomenda ng kaso sa kaukulang hukuman.
May dalawa nang lumutang na pangalan ng maging chairman: Sina Senators Rodante Marcoleta at Pia Cayetano.
Sinasabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na daraanin sa botohan ng mayorya ang pagpili ng chairman upang maiwasan ang anomang haka-haka na dinaraan ito sa kapritso ng Senate President.
MAJOR COMMITTEES MERON NANG PAMUNUAN
Kamakalawa mismo, makaraang maitatag ang Impeachment Court, nagkaroon na ng pamunuan sa sinasabing major committees ng Senado gaya nina Sens. Bong Go para sa health and sports; Loren Legarda – culture and the arts at basic education; Pia Cayetano – ways and means, sustainable development goals at energy; Jinggoy Estrada – national defense and security at games and amusement; Rodante Marcoleta – public services; Joel Villanueva- higher, technical and vocational education; at Robinhood Padilla – public information and mass media at cultural communities and Muslim affairs — Robin Padilla
Mula rito, mga Bro, klarong wala pang pamunuan para sa blue ribbon committee.
Pero para sa atin, sinoman ang uupo rito, dapat makompleto ang pagdinig sa pamamagitan ng pagtawag sa iniwasang tawagin noon ng lumang pamunuan para maging resource persons ukol sa P1.3 trilyong flood control iskam at kikbakan, kasama na ang daan-daang bilyong unprogrammed funds sa nakalipas na tatlong taon at maging sa 2024 at 2025 na pagdukot sa pondo na galing sa mga miyembro ng PhilHealth at pagdukot din sa P105 bilyong pondo ng Philippine Deposit Insurance Corporation.
At upang makompleto ang pagdinig, kailangang matawag dito sina Manong Chavit Singson, Brave 18 Marines at sundalo, Adrian Bersamin, Lucas Bersamin, Amenah Pangandaman, at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto.
Pupwede ring anyayahan ang mga kongresman gaya nina ex-Congressman Zaldy Co, ex-Speaker Martin Romualdez, Edwin Gardiola, Cong. Sandro Marcos at iba pa gaya nina ex-Cong. Stella Quimbo, Cong. Leandro Leviste at Cong. Egay Erice.
Anyayahan sila nang walang paghuhusga kung guilty sila o hindi.
Pinakamahalagang malaman kung paano paano nawalan ang mga mamamayan ng salaping kanilang ibinigay sa gobyerno bilang buwis na nagbunga ng mga katakot-takot na problema gaya nang kawalan ng panlaban sa baha at iba pang krisis mula sa kalikasan; panlaban sa krisis sa mahal na bilihin, kasama ang bigas; panlaban sa labis na kakulangan sa hanapbuhay; kakulangan sa panlaban sa sakit at pagkakaospital; at iba pa.
KASONG OMBUDSMAN GAWING HINOG
Nasa isipan ng ating Uzi, mga Bro, ang mga nakasampang kaso sa Office of the Ombudsman o OMB.
May naisampa nang mga kaso at may isasampa pa lang sa OMB.
Sakaling maisipan ng blue ribbon committee na isumite sa OMB o/at Department of Justice ang matatagpuan nitong mga kaaliwaswasan at ebidensya, inaasahan nating hindi tatanggihan ang mga ito ng para maging hinog at hindi ibasura ng Sandiganbayan o Regional Trial Court ang mga kaso.
Dapat makamit ng taumbayan ang katotohanan at katarungan laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan at korapsyon.





