INAKALA ni Cavite 4th District Rep Kiko Barzaga na maaari siyang lumampas sa hangganan ng Kongreso at magpakawala ng maaanghang — bagama’t parang pagmi-meow — na tapang at mga paratang laban sa bilyonaryong si Enrique Razon Jr.
Sa mga nagdaang buwan, umani siya ng mga “like,” “share,” at viral na atensiyon online sa ginagawa rin niyang pambabatikos sa mga kasamahan sa Kamara, na para bang ang pulitika ay simpleng bardagulan ng magkakaibigan. Nauwi ito sa kanyang pagkakasuspinde, at ngayon ay kumikilos na ang ethics body ng Mababang Kapulungan upang tuluyan siyang patalsikin.
Ngunit bago pa man mangyari iyon, tinuruan na siya ni Razon ng isang aral na hindi naibigay ng sarili niyang mga kasamahan: na ang social media ay isang lugar kung saan may bigat sa batas ang bawat salita. Sa isang maikling sandali, tila naniwala si Barzaga na laruan lamang ang social media at na ang paghamon niya sa isang higante sa Negosyo — na inaakusahan niyang bumibili ng mga kaalyado sa Kongreso para kay dating House Speaker Martin Romualdez — ay maituturing na tapang.
Nagwakas ang lahat nang gumanti si Razon ng isang ungol sa pagmi-mi-yaw ni Barzaga. Ginamit ng international ports at hotel-casino magnate ang parehong plataporma para sa isang mas matinding tugon: mga resibo, batas, at isang malamig at kalkuladong pagganti na muling nagpaalala kung bakit siya nakaupo sa tuktok ng pandaigdigang talaan ng yaman.
Hindi lamang itinanggi ni Razon ang mga paratang ni Barzaga — ibinaling niya ang lente at ibinato ang tanong na karaniwang ikinanginig ng mga politiko: saan nagmula ang iyong kayamanan? Naghanda rin ang ultra-bilyonaryo ng kasong cyber libel na humihingi ng ₱110 milyon bilang danyos.
Dito naramdaman ng batang kongresista ang isang sampal na nagbalik sa kanya sa katinuan. Pagsapit ng unang bahagi ng linggong ito, todo-urong si Barzaga, biglang nagsisi, biglang nagsabing siya ay “hindi naunawaan,” at biglang handang humingi ng paumanhin — personal pa nga.
Inamin pa niya na ang kanyang mga akusasyon ay hindi bunga ng prinsipyo, ni ng isang matapang na paninindigan laban sa kapangyarihan, kundi ng sama ng loob — isang personal na hinanakit dahil hindi dumalo si Razon sa lamay ng kanyang ama. Ayon pa sa kanya, dating malapit ang kanyang ama at si Razon, kaya siya labis na nasaktan.
Hindi pinagaan ng pag-amin na iyon ang kalagayan ni Barzaga; sa halip, hinubaran siya nito. Ang inakala ng marami na pagiging maverick ay lumabas na mas maliit — resentment o paghihinakit. Hindi prinsipyo. Hindi tapang. Kundi emosyonal na immaturity na nauwi sa pampublikong paninirang-puri.
Hinangaan ng mga netizen ang ginawang pagganti ni Razon dahil ito ay eksakto at kalkulado. Isa lamang itong higante sa negosyo na ginagawa ang ginagawa ng mga seryosong tao kapag ang kanilang pangalan at negosyo ay kinakaladkad sa putik — kumakagat pabalik, pinatatatag ang paninindigan, at hinahayaang magsalita ang katotohanan, batas, at mga kahihinatnan. Isa itong huwarang halimbawa kung paano ginagamit nang responsable ang kapangyarihan at kung paano ipinagtatanggol ang reputasyon nang walang histerya.
Si Barzaga naman ay kumurap. Napalitan ng pautal-utal na paliwanag ang pagmi-meow. Gumuho ang tapang at nauwi sa paghingi ng tawad. At lumitaw ang mapanganib na katotohanan: hindi ito kailanman tungkol sa pamamahala, korupsyon, o konsensya. Ito ay tungkol sa nasugatang pride.
Marahil ay nararapat muna siyang umurong at pag-isipan kung siya nga ba ay karapat-dapat Kongreso. Tiyak na hindi ito lugar para sa mga taong ipinagkakamali ang personal na hinanakit bilang pampublikong tungkulin, o ang bugso ng damdamin bilang moral na tapang. Cong. Kiko, ang pamahalaan ay hindi lugar para sa larong pambata.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






