Home OPINION SA WANGIS NG BATANG HESUS

SA WANGIS NG BATANG HESUS

272
0

IPINAGDIWANG ng Simbahang Katolika Apostolika Romana noong Enero 18, 2026 ang Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol o mas kilala bilang Kapistahan ng Sto. Niño.

Sa iba’t ibang panig ng bansa, nagsagawa ng mga banal na misa at debosyon bilang paggunita sa pagkabata ni Hesukristo at sa mga aral na kaakibat nito.

Ayon sa mga lider ng simbahan, ang pagdiriwang ay paalala sa mga pamilya ng mga katangiang iniuugnay sa Batang Hesus na pagiging masunurin, mapagpakumbaba, magalang, matulungin, at mapagmahal sa magulang na sina Santa Maria at San Jose. Ang mga halimbawang ito ang inaasam na pamana sa mga bata tulad ng nga mga anak, apo, pamangkin at inaanak na tatayong gabay sa kanilang paglaki.

Binibigyang-diin din na mahalaga ang papel ng mga nakatatanda sa paghubog ng asal at pagpapahalaga ng kabataan. Ayon sa mga guro at tagapag-alaga, nagsisimula ang wastong pag-uugali sa tahanan, kung saan ang mga magulang at kamag-anak ang unang huwaran.

Kasunod nito ang ginagampanang tungkulin ng mga guro sa paaralan na itinuturing na pangalawang magulang sa pagtuturo ng disiplina at kagandahang-asal.

Malaki rin ang naitutulong ng sama-samang pagsisimba ng pamilya, lalo na ang pakikinig ng mga bata sa homiliya at mga aral na naibabahagi sa banal na misa.

Dagdag pa rito, hinihikayat ang pakikilahok ng kabataan sa mga gawaing pangsimbahan tulad ng pagiging sakristan at pagsali sa mga organisasyong pangkabataan gaya ng Columbian Squires, Kids for Christ, Antioch, Parish Youth Ministry at Youth for Christ. Sa ibang relihiyon, mayroon ding katulad na youth organizations na layong hubugin ang moral at ispiritwal na pag-unlad ng mga bata.

Ipinunto rin ng mga tagapagtaguyod ng kabataan ang kahalagahan ng paggabay upang maiwasan ang pagkakasangkot ng mga bata sa maling impluwensya, bisyo, at karahasan.

Sa kabuuan, ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Niño ay nagsisilbing panawagan sa mga pamilya at komunidad na patuloy na gabayan ang kabataan upang lumaking responsable, may pananampalataya, at handang gumanap ng mahalagang papel sa lipunan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here