Home METRO Calabarzon nakaalerto sa 2-day transport strike

Calabarzon nakaalerto sa 2-day transport strike

MANILA, Philippines – SIMULA nitong Biyernes, Abril 12, ay naka-alerto na ang kapulisan sa mga lalawigan ng Calabarzon na kinabibilangan ng Laguna, Cavite, Batangas Rizal at Quezon dahil sa isasagawang dalawang araw na transport strike ng mga jeepney driver.

Ayon kay PBGen. Paul Kenneth Lucas, Regional Director ng Calabarzon, ang pagtataas ng alert status ay nangangahulugan na ang buong puwersa ng kapulisan sa Calabarzon ay gagawin ang kanilang makakaya sa itinalagang tungkulin para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa magaganap na transport strike na idineklara ng Piston at Manibela mula Abril 15 hanggang Abril 16, 2024.

Inatasan ang limang Provincial Directors at Chief of Police sa Calabarzon na maglaan o gumawa ng Contingency Plan at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan gayundin sa iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas upang matiyak ang kaligtasan ng motorista na maapektuhan ng transport strike.

“Kami ay nag-organisa din ng isang Reactionary Standby Support Force (RSSF) para sa agarang pag-deploy kapag may mga utos at lumikha ng tinatawag na Red teaming na magtatalagang mangasiwa at mangasiwa sa pagsasagawa ng welga,” ayon kay PBGen. Lucas.

Ang mga tauhan ng pulisya na namamahala sa mga checkpoint at pagsasagawa ng mga operasyon ng pulisya ay inatasan na gumamit ng pinakamataas na paggalang sa mga karapatang pantao.

“Sa ating mga pulis, maging mahinahon at mapagpasensya tayong lahat sa pagganap natin sa ating mga tungkulin. Huwag natin pairalin ang init ng ulo lalo na ngayong mainit ang panahon. Ganoon din panawagan ko na let us strictly observed,” dagdag pa ni Lucas.

Bukod dito, pinaalalahanan din ni PBGen. Lucas ang mga pulis nito na iwasan ang pag-gamit ng cellphone habang naka-duty maliban kung emergency, alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil. Kung sinuman ang mahuling lumabag ay mapapatawan ng karampatang parusa.

Hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagsuporta upang mapanatili ang mapayapa at kaayusan sa pampublikong kalsada kung saan asahan ang pagka-antala ng biyahe at pinakikiusapan ang mamamayan na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan kapag wala naman umanong importanteng pupuntahan.

Sa pamamagitan ng “Libreng Sakay Program” mula sa mga lokal na pamahalaan at pulisya, kung saan naglaan ng mga sasakyan na gagamitin ng mga kababayan na papasok sa kanilang mga trabaho, na kinabibilangan ng bus at truck ngayong dalawang araw na transport strike.

Sa mga motoristang maglalakbay, asahan ang matinding pagka-antala sanhi ng mga itinalagang checkpoint ng pulisya na nakipag-ugnayan sa Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Highway Patrol Group.

Asahan ang mas mataas na visibility ng mga kapulisan sa mga kalsada, terminal at lugar ng pagtitipon ng mga magwewelgang mga tsuper, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga taong gumagamit sa pampublikong kalsada.Ellen Apostol