Home METRO Call center agent, estudyante patay sa nasunog na boarding house

Call center agent, estudyante patay sa nasunog na boarding house

ILOILO CITY- Patay ang isang 26-anyos na call center agent at 21-anyos na college student sa sunog sa isang boarding house sa Barangay San Nicolas La Paz District sa lungsod na ito nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ng Bureau of Fire Protection-Iloilo City ang mga nasawi na sina Lynrose Sobretodo, call center agent, taga-Pototan, Iloilo, at college student na si Renz Aguilar ng Concepcion, Iloilo.

Batay sa inisyal na ulat ng BFP-Iloilo City, hindi nakaalis ang mga biktima sa ikatlong palapag ng boarding house.

Natutulog umano ang mga biktima nang magliyab ang lugar at hindi na nagawang makalabas dahil sa bilis ng pagkalat ng sunog.

Tumagal ang sunog ng mahigit isang oras at nadiskubre ang kanilang mga labi sa clearing operations.

Anang Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office, winasak ng insidente ang limang kabahayan habang napinsala naman ang dalawa pa.

Apektado sa sunog ang 150 indibidwal, karamihan ay boarders, na nagrerenta ng kwarto malapit sa dalawang state universities at dalawang private colleges.

Tiniyak naman ni Mayor Jerry Treñas na magbibigay ng tulong-pinansyal ang Iloilo City government para sa mga biktima.

“I condole with the families of the victims. The city government will give financial assistance for their burial,” pahayag ni Treñas.

Namahagi naman ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng relief goods sa fire victims. RNT/SA

Previous articleDagdag-benepisyo makukuha lamang sa accredited hospitals – PhilHealth
Next articleSubpoena order vs Quiboloy tinintahan ni Zubiri