MANILA, Philippines- Naalarma ang main campus ng Cavite State University (CVSU) nang muli na namang makatanggap ng babala na umano’y papasukin at aatakihin ng dalawang katao ang mga campus nito.
Ayon sa nakalap naCavite police at provincial office, isang email ang muling natanggap bandang alas-6 ng umaga kamakalawa, mula sa isang “anonyyymoussszzz2gmail.com” ng kanilang Central Student Government (CSG) na nagsasaad ng isang planong pag-atake sa kanilang main campus sa Indang, Cavite at kanilang mga satellite campuses.
Nakasaad din sa email na dalawang hindi nakilalang kalalakihan na nakasuot ng isang kulay itim na cap at naka-corporate attire ang papasok sa nasabing campus gamit ang CVSU identification cards na siyang gagawa ng pag-atake.
Hindi naman binanggit sa mensahe kung kailan at anong oras gagawin ang pag-atake sa mga campus ng CVSU.
Kaugnay nito, kaagad namang ipinag-utos ng pamunuan na makipag-coordinate sa pulisya upang maiwasan ang anumang disgrasya at kaagad mapigilian ang anumang gagawing pag-atake sa nasabing mga paaralan.
Matatandaan na una nang nakatanggap ng tawag na halos sabay-sabay ang limang campus ng CVSU kabilang ang Indang, Bacoor, Carmona, Silang at Cavite City na umano’y pasasabugin.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at paghahanda hinggil sa pananakot sa pamunuan ng nasabing pamantasan. Margie Bautista