CHINA — Nanawagan ang China ng agarang ceasefire kasunod ng isinagawang pag-atake ng United States at Israel laban sa Iran, at hinikayat ang lahat ng panig na iwasan ang lalong paglala ng tensyon at bumalik sa dayalogo at negosasyon.
Sa pahayag ng Chinese Ministry of Foreign Affairs, iginiit na dapat igalang ang soberanya, seguridad at territorial integrity ng Iran.
Kasunod nito, naglabas din ng abiso ang Embahada ng China sa Israel na pinapayuhan ang mga Chinese national na lumipat sa mas ligtas na lugar sa loob ng bansa o lumikas patungong Egypt sa pamamagitan ng Taba border crossing.
Nauna nang inatake ng US at Israel ang Iran nitong Sabado na target ang military capability nito. Ayon sa state media ng Iran, nasawi sa operasyon si Supreme Leader Ali Khamenei.
Sa hiwalay na komentaryo, tinuligsa ng state-run Xinhua News Agency ang pag-atake at tinawag itong “brazen aggression against a sovereign nation” at halimbawa ng “power politics and hegemony.”
Ayon pa sa Xinhua, ang paggamit ng puwersang militar ng Washington ay “flagrant violation” ng United Nations Charter at pagtalikod sa mga pangunahing alituntunin ng international relations.
Samantala, inihayag ng Hong Kong-based airline operator na Cathay Group ang pansamantalang suspensyon ng operasyon nito sa Middle East dahil sa tumitinding tensyon.
Apektado ang mga passenger flight papunta at mula Dubai at Riyadh, gayundin ang freighter services na dumadaan sa Al Maktoum International Airport sa Dubai. Inirere-route na rin ang mga flight na karaniwang dumaraan sa apektadong airspace. RNT/JGC