LABINDALAWANG senador na ang naglantad ng kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth. Apat ang hindi pa.
Senators Alan Peter Cayetano, Imee Marcos, Ronald “Bato” dela Rosa, at Rodante Marcoleta — ano na? Malinaw ang batas: ang SALN ay hindi optional, hindi madadaan sa negosasyon, at garantisadong hindi isang pabor sa publiko. Isa itong tungkulin. Kaya bakit naaantala? Hinihintay ba ng apat na ito ang maglalabasan pang baraha bago ipakita ang mga alas nila?
Hindi ito ‘poker’ na kailangang mandaya ng naglalaro. Maliban na lang, siyempre, kung itinuturing ng marami sa ating mga senador ang transparency at public disclosure bilang parlor game na Two Truths and a Lie.
Kapag tiwala na ng publiko ang nakataya, ang pananahimik sa katiwalian ay nagmistulang pandaraya. Kung walang itinatago, bakit sila natatagalang tumalima sa isang bagay na iniaatas ng batas? Habang nagtatagal ang pagkaantala, lalo namang umiigting ang paghihinala.
At nasa usapang hinala na rin lang tayo, maaaring si dating Senate President Chiz Escudero ang nagdeklara ng pinakamababang net worth sa mga senador, nasa mahigit ₱18 milyon lang — pero mas marami ang napataas ang kilay kaysa naliwanagan. Iyon ba ay kababaang loob, o pagkukunwari?
Ang idineklara niyang yaman ay hindi awtomatikong magpapahupa sa mga bulungan na nag-uugnay sa kanya sa sinasabing mga “bagman” na tulad ni Maynard Ngu. Kung mayroon man, ipinakita lang na may kakayahan si Escudero na itago ang isang bagay na nais niyang ilihim. Dahil kung ₱18 milyon lang ang sinasabi niyang yaman niya matapos ang ilang dekada sa pulitika, mapatatanong ka: ang SALN ba niya ay kasing peke ng kanyang kilay?
Ang transparency ay hindi kung sino ang mas mukhang mahirap sa dokumento. Tungkol ito sa pagiging tapat na ilantad sa publiko ang totoo — nang walang edits, walang lokohan, at walang takot. At hanggang sa kaya na itong gawin ng bawat senador, walang sinuman sa Mataas na Kapulungan ang karapat-dapat magsalita tungkol sa integridad.
Sa usapang pagsasalita, naalala ko kung gaano ko kadalas makita ang video clips ni Senator Joel Villanueva habang sumusumpa sa harap ng Diyos na hindi siya kailanman nagnakaw, ng kahit piso, sa kaban ng bayan.
Gusto ko sana siyang paniwalaan, pero nagmumukha na kasing Strike Two para sa tinatawag ang sarili niya bilang “Kapatid.” Una, ang ₱10-million ghost farm project mula sa kanyang pork barrel sa panahon ni noon ay Ombudsman Conchita Carpio Morales. Ngayon naman, ang bulung-bulungan na nag-uugnay sa kanya sa Department of Public Works and Highways kickback at ghost project scandals.
Marahil pakiramdam niya ay untouchable siya sa pagkabaligtad ng desisyon ni Carpio na dapat na siyang sibakin mula sa Senado bilang parusa sa aspetong administratibo ng PDAF corruption case laban sa kanya.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






