
MARAMI nang buhay ang nasawi dulot ng pagpasok sa confined space. Ano nga ba ang confined space?
Confined space ang tawag sa sewer, tangke ng tubig, malalaking underground pipelines, malalim na excavation, tunnels at iba pa na napakadelikado para pasukin dahil hindi naman siya naka-design for human occupancy. Maliban sa masikip, malalim at madilim, nagtataglay din ito ng mga nakalalasong kemikal at flammable gas. Kapag hindi naiplano ng maayos ang pagpasok, maaari kang makaranas ng hirap sa paghinga dahil posibleng kulang ang oxygen level sa ganitong klase ng lugar.
Eh’, bakit nga ba kailangang pasukin ang isang confined space? Kailangang gawin ito para malinisan ang tangke, maisagawa ang pipeline preparation gayundin ang iba pang maintenance process.
Mahalagang isagawa muna ang hazard, identification, risk assessment and control o HIRAC. Sa pamamagitan nito madaling matutukoy ang mga panganib sa lugar na pagtatrabahuhan at mailalapat ang mga control measure lalo na ang emergency rescue operation. Ang mga solusyon ay kailangang ipatupad ng manager, supervisor at foreman.
Kadalasang nangyayari ang aberya kapag hindi nababantayan ang lugar, hindi dokumentado, walang safety officer, hindi sapat ang bentilasyon, walang gas measurement, walang training, walang malinaw na emergency rescue plan, kulang sa mga kagamitan at iba pa.
Kaya ang payo natin sa mga negosyante na may trabahong nauukol sa confined space entry, kumpletuhin ang mga pangangailangang nakapaloob sa occupational safety and health program o construction safety and health program. Mas mainam ito para masigurong ligtas at libre sa health hazards ang sinomang papasok sa isang confined space.