MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes, Marso 14 na may sapat itong buffer stock ng bigas kasabay ng nagpapatuloy na El Nino.
“Okay naman ang ating buffer stock at sa ngayon nga ay nag-start ang harvest season nitong March, April hanggang sa Mayo. Patuloy din ang pamimili ng NFA,” ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa sa panayam ng GMA News.
Ang pagsisiguro ni De Mesa ay sa kabila ng umano’y iregularidad sa bentahan ng buffer stock ng National Food Authority (NFA) sa private traders na nagresulta sa suspensyon ng mahigit isang daang NFA officials at empleyado.
“Kahit ‘yung ating mga 97 na bodegero or warehouse supervisors ay napalitan na sila para masigurado ng NFA at ng Department of Agriculture na tuloy-tuloy ang operasyon ng pamimili kahit 141 ang nasusupende na opisyal at empleyado ng NFA,” dagdag pa niya.
Ani De Mesa, nagpapatuloy ang tatlong magkahiwalay na imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiya ng NFA.
“Walang binigay na specific timetable ang ating kalihim, bagamat alam nila ang importance o kahalagahan nitong pagsisiyasat na ito. So inaasahan namin, kagaya sa Ombudsman, na sa loob ng madaling panahon ay magkakaron ng resulta ang kanilang ginagawang pagsisiyasat,” aniya.
Kabilang sa mga opisyal at empleyado ng NFA pinatawan ng Ombudsman ng preventive suspension ay si administrator Roderico Bioco at assistant administrator for operations John Robert Hermano.
Iniimbestigahan ng Ombudsman ang alegasyon ng korapsyon at disadvantageous sale umano sa mga pribadong trader ng nasa 75,000 bag ng bigas na tig-50 kilo ang isa. RNT/JGC