Home OPINION DANGAL ‘MALETA’ LANG KATAPAT

DANGAL ‘MALETA’ LANG KATAPAT

181
0

\“MATINDI,” nakalulungkot– at nakagagalit– ang “paglutang” ng may ‘18-retired ex-Marines’ nitong Martes sa ginawa nilang ‘press conference’ sa makasaysayang ‘Club Filipino.’

Sa buod ng kanilang ‘sworn testimony’ na mabilis kumalat at hawak na ngayon ng hindi mabilang na mga Pinoy at dayuhan, kinumpirma nila ang testimonya ng kanilang dating kasamahan na si MSgt. Orly Guteza, hinggil sa pag-deliver ng male-maletang bilyones sa dinambong na ‘national budget’ ng mga korap, gahaman, at walang kahihiyan nating mga pambansang lider.

Matapos lumabas ang pangalan ni dating Speaker Martin Romualdez at Pangulong BBM sa mga umano’y nakinabang sa bilyones na perang galing sa dugo at pawis ng ordinaryong Juan dela Cruz, alam na natin ang mga sumunod na nangyari.

Muling “nagkudeta” sa Senado at ang liderato ay napabalik sa tambalan nina ‘Batman N Robin’ — Tito Sotto at Ping Lacson– na ang kandidatura noong 2022 elections ay “isinuka” ng mga Pilipino sa araw ng halalan.

Matapos ang ‘Senate coup’ muling ipinatawag si Guteza–hindi upang alamin ang katotohanan sa kanyang SINUMPAANG TESTIMONYA, bagkus, para sirain ni Batman N Robin ang kanyang testimonya at kredibilidad kasabwat ang mayorya ng Senado.

Kung lahat sila ay nakatanggap din ng maleta ng pera tulad ni Sotto– ayon sa testimonya ng mga ex-Marines– hindi natin alam.

Ang malinaw na nakita natin– binalewala ni Lacson at Sotto ang testimonya ni Guteza at siya pa ang ginipit ng gobyerno.

Nasaan na nga ba si Guteza at bakit biglang “walang gana” ang mga nagyayabang na ‘investigative journalists’ na mag-imbestiga? May maleta rin ba sila?

Malinaw din ang ginawang “pagbabanlaw” ng Senado ni Batman N Robin sa pagkadawit kay Romualdez at BBM nang ilabas na ni Ping ang ulat ng Senate Blue Ribbon Committee kamakailan kung saan sinabing walang ebidensya laban sa magpinsan.

Eh, paano ngayon ‘yan, Sens. Ping at Sotto? Lumalabas na ang report ninyo ay kabaliktaran sa testimonya ng mga kasamahan ni Guteza, hindi ba?

Sabagay, kung sa maleta na at hindi na lang sa sobre nakalagay ang “lagay,” aanhin pa nga ba ang “dangal?”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here