Home OPINION MARINES, TRILLANES PAHARAPIN SA SENADO

MARINES, TRILLANES PAHARAPIN SA SENADO

229
0

SUMABOG na balita ang paglantad ng umano’y 18 dating miyembro ng Philippine Marines para patunayan ang male-maletang pera kaugnay ng kurakutan sa gobyerno at kuwestiyunableng kilos ng ilang miyembro ng International Criminal Court at ni dating Senador Antonio Trillanes.

May 12 pa umanong kasamahan ang mga ito na hindi nakarating sa press conference na idinaos nila sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan kamakalawa dahil sa mga personal na dahilan.

Dati umanong kasamahan ang mga ito ni nawawalang Marine Sergeant Orly Guteza na nauna nang nagtestigo ukol sa male-maletang salapi na kikbak sa mga kontrata sa gobyerno, partikular sa flood control program.

Humigit umano sa P800 bilyon ang naideliber nilang salapi kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co at kasama rin sa ilang pagkakataon si Co sa pagdedeliber sa bahay umano ni Pangulong Bongbong Marcos sa Forbes Park at sa Ilocos Norte, bukod pa ang idineliber din sa isang bahay sa Aguado St., malapit sa Malakanyang.

Ginawa umano ang pagdedeliber ng salapi ng nasa 100 beses sa nakalipas na tatlong taon at gumamit sila ng mga sasakyang panlupa, eroplano o helicopter para rito.

Iprinisinta sila ni Atty. Levi Baligod na dating naging whistleblower sa P10 bilyong scam na kinasangkutan naman ni nakakulong ngayong Janet Napoles.

P112M KAY TRILLANES, TAGA-ICC

Bukod sa bahay ni Pang. Marcos sa Makati at Forbes, bahay sa Aguado at bahay ni Zaldy mismo sa Valle Verde sa Pasig, nagdeliber din umano sila ng dalawang maleta kay dating Sen. Trillanes para panggastos sa ilang imbestigador ng International Criminal Court.

May tig-isang P56 milyon ang dalawang maleta na ibinigay kay Trillanes at ipinalit ito sa $2 milyon na panggastos para sa mga taga-ICC.

Si Trillanes na umano ang gumastos para sa mga isinagawang imbestigasyon ng mga taga-ICC, hotel at sasakyan ng mga ito.

Si Trillanes umano ang nagsuplay ng mga biktima ng drug war ni dating Pangulong Digong Duterte para imbestigahan ng mga taga-ICC.

Nakilala ang ICC team leader na si Chantal Daniels na nakuhanan pa ng litrato na hawak ng mga marines.

CYBER LIBEL, PHILIPPINE NAVY

Agad namang inihayag ni Trillanes na magsasampa ito ng kasong libelo laban sa mga marines at Baligod at iba pa.

Pawang paninira lang umano ang pinagsasabi ng mga marines at ni Baligod at itinaon pa sa kasalukuyang ginagawang confirmation of charges laban kay ex-Presideng Digong Duterte sa ICC.

Ayon naman sa Philippine Navy, hindi umano nila naging tauhan ang ilan sa mga kasama ng mga marines at ang ilan namang marines ay dishonorably discharged.

IAKYAT SA SENADO – IMEE

Sabi ng ating Uzi, isa sa mga pinakamagandang gawin ang pagdalo ng mga marines sa imbestigasyon ng Senado, gaya ng nilalaman ng isang resolusyon ni Senator Imee Marcos.

Kung interesado ang Senado sa usapin at magbubukas ng imbestigasyon, dapat lang na magpakita ang mga ito roon.

Para magkaalaman na lahat para sa katotohanan.

Nagtitiwala ang ULTIMATUM na gagawin ng Senado ang nararapat nitong gawin upang lumabas ang katotohanan at maituwid ang dapat na ituwid sa nakasisira nang labis na korapsyon sa gobyerno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here