ANG laboratoryo ng eskwelahan ay mahalagang bahagi ng paglilinang ng kaalaman sa pamamagitan ng science experiment ngunit maaari rin itong maging lugar ng panganib para sa mga guro at estudyante kung walang klaro at maayos na safety and health protocol.
Ang paggamit ng laboratoryo ay dapat may malinaw na supervision ng guro at tamang pagsasanay sa mga mag-aaral bago magsagawa ng anomang eksperimento.
Unang dapat isaalang-alang ay ang pagkakaroon ng sapat at angkop na bentilasyon. Ito ay para mapanatili ang pagkakaroon ng malinis, ligtas at non-toxic atmosphere. Kailangang siguruhin ang effectiveness ng fume hood na nagsisilbing enclosure at proteksyon laban sa mapanganib na singaw mula sa mga volatile substance.
Malaki rin ang maitutulong ng biological safety cabinet para sa microbiological experiment. Pinipigilan kasi nito ang pagkalat ng pathogens na nagdudulot ng sakit. Mainam din ang pagkakaroon ng glove box enclosure system para sa highly hazardous substances upang hindi direktang ma-expose ang mga guro at estudyante. Importante rin ang angkop na design at lay-out ng laboratoryo upang magkaroon ng maayos na workflow at maiwasan ang siksikan, pagkatabig sa experimental setup, spill at sunog.
Mahalaga ring maging habitual ang safety meeting bago simulan ang eksperimento na pangungunahan ng mga guro upang mabigyan ng safety awareness ang mga estudyante sa mga panganib na kahaharapin. Bigyang diin ang good housekeeping at importansya nang pagsunod sa bawat protocol.
Kailangang maintindihan ng mga estudyante ang pangangailangan sa pagsusuot ng appropriate personal protective equipment tulad ng laboratory gown, safety goggles, at hand gloves gayundin ang limitasyon ng mga ito. Halimbawa, hindi sasapat ang laboratory gown kung magsasalin ka sa 500 mL na beaker ng sulfuric acid mula sa isang storage bottle container. Kailangang magsuot ka ng karagdagang proteksyon tulad ng chemical resistant clothing o chemical apron at aprubadong face shield. Ito ay makatutulong upang maiwasan ang pinsala sa ating balat at mata.
Dapat ding may fire extinguisher, first aid kit, eyewash station, at markadong evacuation route ang bawat laboratoryo. Kailangang ipaalam sa mga estudyante kung paano tumugon sa spill, sunog, o pagkalantad sa kemikal. Malaking bagay ang pagpapaskil ng emergency hotline numbers upang makatawag at magkaroon ng agarang responde mula sa local at external emergency response team.






