Home OPINION DEEPFAKE PORN BANTAYAN SA PINAS

DEEPFAKE PORN BANTAYAN SA PINAS

NAGKAKAGULO ngayon sa South Korea, lalo na sa hanay ng kababaihan sa nasa 500 high school, kolehiyo at unibersidad.

Lumitaw na libo-libong babaeng estudyante na menor-de-edad, kasama ang nasa edad at estudyante sa mga kolehiyo at unbersidad, ang may deepfake porn video.

Hindi katulad sa Pinas na edad 18 pataas ang age of consent sa sex at below 18 ang menor-de-edad, 16 anyos pataas ang sa South Korea at menor-de-edad ang 16 anyos pababa.

Ang mga menor-de-edad ang karamihan sa mga may deepfake porn video.

DEEPFAKE PORNOGRAPHIC O SEX VIDEO

Sa deepfake pornographic o sex video, pinapalitan ang mga mukha ng mga nakikipag-sex ng mukha ng mga estudyante, menor-de-edad man o hindi.

Lahat ng nararamdaman habang nakikipag-sex, sarap man o sakit o iba pa at kabastusan, ipinakikita sa deepfake video.

Ang masama, inilalagay ng mga gumagawa ng deepfake ang tunay na pangalan, edad, address at iba pa ng mga estudyante.

Dahil dito, kahit na hindi totoo ang sex video, inilalagay pa rin ang mga babae sa kahihiyan na nagbubunga ng mga stress, nakasasamang kantiyaw sa kanilang hanay at marami pang nakasisira sa pagkatao ng mga biktima.

Napag-alamang mga kalalakihang tinedyer din ang nakararami sa mga gumagawa ng deepfake sex video bilang katuwaan at kamanyakan.

Kasama sa mga gawaing iniaatas sa mga sumasali sa paggawa ng deepfake sex video ang pagsumite ng at least apat na babae  na may piktyur at personal na datos gaya ng tunay na pangalan, edad at address.

Mabilis na kumakalat pagkatapos ang gawang deepfake video at may mensahe pang ipinadadala sa mga biktima gaya ng “Hoy, may nag-leak ng iyong sex scandal, pag-usapan natin ito.”

Kapag tinanggap ang mensaheng ito, mabubuksan na rin ang deepfake sex video na nagiging iskandalo sa parte ng mga biktima dahil parang tunay na tunay ang video.

MABILIS LUMAGANAP

Napakabilis lumaganap ang iskandalong ito sa mga estudyante lalo’t marami ang sumasali sa mga group chat.

Sa group chat, nagkakaroon ng mabilis na balitaan ukol sa mga biktima at dito rin mabilis ang sharing na mabilis na nagpapalaki ng bilang ng mga nanonood sa video.

Sa Telegram natagpuan ang mga gumagawa ng deepfake na mabilis na nawawala sa eksena makaraan silang mag-upload ng video upang hindi sila mahuli ng mga awtoridad.

Ang masama, hindi na makontrol ang pagdami ng video sa rami ng mga nagse-share.

45,000 CONTENT SA AGOSTO

Sa ulat, may 45,000 content na binubuo ng deepfake sex video ang naipasara sa buong mundo ng mga lumalaban dito.

Inaresto pa nga sa France ang founder ng Telegram na si  Pavel Durov sa hindi umano nito pagkontrol sa kanyang social media, kabilang na ang paglabas ng mga sex video ng mga menor-de-edad.

Sa kabila nito, nanatiling gamit ang Telegram lalo’t may sangkap itong pagkapribado na hindi pupwedeng pakialaman o basta mabuksan ng kung sino-sino lang, kahit ang may gustong magsara o magpasara ng deepfake sex video.

May 900 milyong user o subscriber ang Telegram at imadyinin na lang kung gaano karami mula sa mga ito ang gumagawa ng deepfake sex video.

Para sa mga magulang na Pinoy at kabataan-estudyante, sana ngayon pa lang magbantay na laban sa deepfake sex o pornographic video bago lumaganap nang husto sa Pilipinas at sirain ang buhay ng marami sa atin.