KAPANSIN-PANSIN ang tila hindi pagbibigay-pansin gaano ng mga politikong pambansa sa mga namamatay at naghihirap sa mga bagyo, ulan at baha.
Kung meron man silang pinagtutuunan nang pansin nang buo, walang iba kundi ang pamumulitika na may kaugnayan sa halalang 2025 at 2028.
At nakatuon ang pansin ng mga senador at kongresman higit sa kanilang mga kalaban kaysa sa kapakanan ng mga biktima ng kalamidad.
Mas maraming oras at yaman ng mga ito ang inuubos sa paninira sa kanilang mga kalaban at pagbubuhat ng sariling bangko kaysa sa pagkalinga sa mga nasawi at iba pang biktima ng kalamidad.
Noong nanalasa ang bagyong Carina, may nasawing 39 katao at may limang milyong naapektuhan, kasama ang mga nasiraan ng mga tahanan, nawalan ng hanapbuhay at iba pa.
Ngayong dumating si Enteng, may 14 nang nasawi habang tinitipa ito at milyon din ang naapektuhan.
Kabilang sa mga nasawi sa lunod at landslide ang pito sa Antipolo, dalawa sa Cebu.
Namatay naman sa landslide ang dalawa sa Cebu City, sina Jemimah Ibuña, 17, at Claire Dosdos, 27, at sa Northern Samar, ang mag-amang sina Federico Sabangan Sr., 76, at Federico Jr., 29.
Tingnan ninyo, hindi makita ang mga banal at bayani sa pulitika sa gitna ng mga kamatayan at paghihirap ng marami at milyong katao dahil sa mga bagyo, landslide at baha sa mga oras ng pangangailangan at peligro.
Pero gusto nilang 24 oras at Lunes hanggang Linggo silang laman ng media, radio, telebisyon, social media at iba pa sa kanilang mga paninira sa kanilang mga kalaban at pagbubuhat ng mga sariling bangko.
At ito ang isang masakit, mga brad.
Wala sa kanila ang namamatay sa lunod, landslide at iba pa at wala rin sa kanila ang nagugutom, nauuhaw, nasa evacuation center at kawalan gaya nararanasan ng mga ordinaryo at mahihirap na mamamayan.
Mga buwisit!