Home OPINION DENGUE KAILANGANG LABANAN NG LAHAT

DENGUE KAILANGANG LABANAN NG LAHAT

HINDI biro ang ma-dengue.

Para itong matinding sumpa sa lahat, mayaman o mahirap, lalaki o babae, matanda o bata.

Damay ang lahat ng pamilya ng mga ito.

Nadadamay sila hindi lang sa mga pag-aalala kundi sa iba pang mga bagay na pare-parehong mabigat – sa trabaho o negosyo o bulsa at panganib sa buhay.

Sa pag-aalala, naririyan ang kawalan ng pahinga at matitinding puyat sa pagbabantray sa loob ng tahanan at ospital.

Sa trabaho, bulsa o negosyo, lalong maghihirap ang mahirap sa pagkabaon din sa utang sa pagbabayad sa ospital habang maraming may salapi ang bumabagsak kapag ma-confine sila sa mga mamahaling ospital dahil daan libong piso o milyon ang gastusin dito.

Ang panganib sa bingit ng buhay at kamatayan ang pinakamabigat na pasanin sa lahat.

Sa malubhang kalagayan, karaniwang higit na may tsansang mabuhay ang mayaman kaysa mahirap subalit walang sinasanto ang dengue, lalo’t wala itong tiyak na gamot o bakuna.

At kung nakialam at kumaway na ang kamatayan, matinding dagok ito sa pamilya, lalo na kung papanaw ang pinakahaligi ng pamilya.

LAHAT MAGTULONG-TULONG

May iniulat nang mga patay sa sakit na dengue.

May magdedeklara naman ng dengue outbreak sa tatlong, kabilang ang Central Luzon, Calabarzon at Metro Manila habang nauna na ang Quezon City.

Ibig sabihin, malaganap na ang dengue at maaaring may susunod pang mga rehiyon.

Kaya naman, kailangan na ang pagkakaisa ng lahat ng mga mamayan at pamahalaan sa pagsugpo sa dengue.

Lalo na kung isipin ang dami ng mga namamatay rito.

Ayon sa Department of Health o World Health Organization, may 3,195 nasawi noong 2008-2012, 750 noong 2010-2014, at mahigit 16,000 noong Enero 2016 hanggang Enero 2021, ayon naman sa Human Data Exchange o HDX.

May mga taon namang nasa 100,000 hanggang nasa 200,000 kaso sa isang taon, kasama na ang mga nasawi.

Ganyan katindi ang kalagayan sa Pilipinas sa sakit na ito.

Pahirap na nga ito sa daan-daang libong tao, pahirap pa a pamahalaan.

MGA GAGAWIN ANO-ANO?

Mula Enero hanggang sa mga araw na ito, sinasabi ni Domingo na umabot na sa 28,000 ang nagkasakit kaya pagdating ng Disyembre, malamang na daang libo ang matatamaan at libo ulit ang mamamatay.

Mahalagang usapin ang sinasabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na nagsisimula ang dengue sa pagkakaroon ng lagnat sa loob ng apat na araw at aabot ang lagnat sa 40 degrees celcius at pagkatapos maaaring babalik ito.

Ang pagbabalik nito ang nakababahala dahil maaaring naririyan na ang kondisyon na ikaoospital o ikamamatay ng biktima.

Kasama ng lagnat ang pagsusuka, pananakit ng mga masel at buto, matinding sakit ng ulo, pagkakaroon ng rashes o pantal at iba pa na roon na maoospital ng nasa 2-3 linggo.

Swerte mo kung makauuwi ka nang buhay kaysa hahantong sa punerarya.

Ano-ano ang mga gagawin?

Hindi mag-aatubili sina kapitan, kagawad at barangay tanod, sina mayor at konsehal, mga doktor at ospital ng DOH na tulungan tayo lahat kung tumulong din tayo sa kanila laban sa dengue sa lahat ng paraan.

Tulong-tulong, laban-laban lang para sa ating kaligtasan sa dengue.