Home OPINION DISASTER NA NAMAN

DISASTER NA NAMAN

MAGKASUNOD  na bagyo ang dumaan sa atin nitong nakaraang linggo. Si “SuperTyphoon Egay” ay nag-landfall sa bayan ng Calayan sa Cagayan Province at halos pinadapa ang lahat ng tanim at kabahayan sa mga isla nito. Si “Typhoon Falcon” naman ay gumilid lang sa silangang bahagi ng Pilipinas, pero hinigop nang husto ang habagat kaya mabibigat na ulan at malalakas na hangin ang bumalot pa rin sa malaking bahagi ng bansa.

At ang bumulaga sa lahat, bilyong piso na namang halaga nang pagkasira ng imprastraktura, taniman at sa huling taya ng National Disaster Risk Reduction Management Council  ay umabot sa 29 ang namatay.

Ayon sa Dept. of Agriculture, umabot sa 5.4 bilyong piso ang halaga ng mga taniman at pangisdaan ang nasira  habang  halos 7 bilyong piso naman ang mga nasirang kalsada at mga tulay, ayon sa Department of Public Works and Highways.

Halos isang linggo,  pagdaan ng dalawang bagyo, lubog pa rin sa baha ang maraming bayan sa Bulacan at Pampanga. Hirap maabot ng relief ang maraming mga lugar. Dahil sa mga nasirang tanim at mga sirang kalsada, nagmahal lalo ang presyo ng mga gulay. Pati nga ilang bahagi ng North Luzon Expressway inabot ng baha at naging pahirap ang byahe dito, lalo na sa parte ng San Simon Exit sa Pampanga.

Umusbong na naman ang mga panukalang malakihang mga proyekto tulad ng mga dike at flood control projects. Dapat daw ay planuhin at ipatupad na ang mga engineering solutions, para maiwasan na ang mga ganitong disaster sa hinaharap.

Pero duda ako at tiyak maging kayo na angkop na solusyon ang infrastructure projects.

Hindi lang simpleng engineering projects ang solusyon sa mga problemang ito.

Kailangan ay ayusin ang mga daluyang tubig para mabilis ang paglabas ng tubig papuntang Manila Bay. Pero paano mangyayari ‘yan kung puro reclamation projects ang naka-abang at ginagawa na sa Manila Bay? At ang mga reclamation project  na ito ay dadagdag pa sa mabagal na pagbaba ng tubig-baha.

At mas kailangan din na siguruhin malusog ang mga bundok at gubat, para hindi mabilis at tuloy ang pagbaha.

Kailangan na rin ng political will mula sa ating mga lider para ipasa na ang batas na National Land Use Act.

Kung puro gastos (at walang korapsyon) lang ang solusyon na nakikita ng mga lider natin sa epekto ng bagyo at habagat, mukhang mas malaking disaster pa ang haharapin ng bansa.