Home OPINION DISGRASYANG MATITINDI SA BIYAHE IWASAN

DISGRASYANG MATITINDI SA BIYAHE IWASAN

NAPAKALUNGKOT ang mamatayan sa mga araw ng Pasko at mga unang araw ng Enero 2025.

Lalo na kung nasa gitna ka ng kasiyahan o ginagawa mong makabuluhan ang Pasko at Bagong Taon.

Kaya naman, kung kayang mapigilan ang kamatayan, mas magandang umaksyon para rito.

Tingnan natin ang mga nagaganap sa kalsada.

500 DISGRASYA

Ayon sa Department of Health na sumubaybay sa walong lugar lamang, mula Disyembre 22 hanggang Disyembre 31, 2024, may halos 500 disgrasya ng sasakyan.

Mula sa disgrasyang ito, may 6 ang patay at 421 ang nasugatan.

Sa patay, 4 dito ang motorcycle rider.

Karamihan o 356 ang nakamotorsiklo at 10 lang ang gumamit ng helmet o seatbelt.

Huwag maliitin ang mga disgrasya, mga Bro.

May mga nabulag, may nabalian ng mga braso o paa, may naputulan ng mga braso o paa, may na-comma, may naatake sa puso, may napingasan o natanggalan ng laman at marami pang iba.

Kapag naospital ka sa mga sugat na ito, sa palagay mo magaan lang?

Aba, may milyong piso ang gastos sa mga seryosong sugat na ito at maaaring magbunga ng pagkasaid ng anomang naiipon at pagkalubog sa utang hindi lang sa ospital kundi sa bangko, sa mga kapitbahay at kakilala o kaibigan.

PASASALAMAT KUNG MINSAN

Kung iisipin, nagpapasalamat tayo at hindi kasingtindi ang mga disgrasyang kinasasangkutan natin sa mga disgrasyang nagaganap sa ibang bansa.

Sa South Korea, bumangga sa pader ang nawalan ng kontrol na eroplanong Jeju Air Lines na may lamang 181 pasahero at 179 ang namatay rito.

Kahapon lang sinimulang ipalabas ng gobyernong South Korea ang ngalan ng mga biktima.

Sa Kazakhstan, bumagsak din sa runway ang Azerbaijan Airlines habang lumilipad mula Baku, Azerbaija patungong Grozny at nagtungo sa Aktau, Kazakhstan para lumanding pero mabilis itong bumaba, sumabog at nag-apoy na pagdating sa runway.

Nasa 38 mula sa pasahero at crew na 67 ang namatay rito.

Sa Ethiopia, 71 ang namatay nang bumulusok sa bangin ang isang trak na may kargang mga obrero at pami-pamilyang pupunta sa isang kasalan nitong Linggo.

Nalunod at namatay ang iba sa tindi ng pagbagsak ng trak sa isang matubig na bahaging ibaba ng kalsada.

MGA DISGRASYA HINDI PA TAPOS

Sa totoo lang, hindi pa tapos ang mga disgrasyang darating dahil Kapaskuhan pa lang hanggang Three Kings at milyones ang nagbibiyahe kung saan-saan.

Nagbibiyahe sila sa lupa, dagat at kalangitan.

Sana nga lang, walang matitinding disgrasya na katulad ng mga nangyari sa ibang bansa na nabanggit habang naglalakbay ang milyones na tao, Pinoy at dayuyan, kung saan-saan sa Pinas sa mga araw na ito.

Bilin ng DOH, iwasang magmaneho nang lasing ang mga tsuper o piloto; dapat magkaroon ng sapat na tulog; at sumunod sa mga batas-trapiko.

Huwag ding gumamit ng droga at tiyakin ang lahat ng sasakyan na road, sea at air worthy.

Lahat dapat umiwas sa disgrasya.