INIHAYAG ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry na hindi tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang katapusan ng 2024 kaya naman marami ang nagalak at nasiyahan sa pahayag.
Lamang, pagpasok ng Pasko, maraming mahihirap na Pilipino ang dismayado nang magtungo na sa mga palengke at supermarket upang mamili ng panghanda sa “Noche Buena” dahil napakataas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang mga produktong ani tulad ng gulay at prutas.
Hindi nga masyadong tumaas ang presyo ng mga panghanda sa okasyon dahil pasok pa rin sa suggested retail price ng DTI pero ang ibang gamit o sangkap sa pagluluto ay “abot-langit” ang presyo na hindi “afford” ng mga manggagawa o ordinaryong tao na maliit lang ang natanggap na “bonus” ang iba ay wala.
Hindi naman pwedeng lutuin ang pansit o spaghetti, maging ang menudo at adobo na hindi gagamitan ng sibuyas, kamatis at mga gulay tulad ng patatas, repolyo, bell pepper at sili na talaga namang nakahihimatay ang presyo.
Hindi pwedeng ikatwiran ng pamahalaan ang nagdaang bagyo na nakasira ng mga pananim at daanan kaya napakataas ng presyo ng mga bilihin.
Nitong bisperas ng Bagong Taon o ilang oras bago ang “Medya Noche” hindi magkamayaw ang mga tao sa paghahanap ng murang prutas at gulay, pero kahit saan sila magtungo ay sadyang napakataas ng presyo ng mga inihahanda kapag Bagong Taon.
Muntik na akong matumba sa pagkabigla nang namimili ng panghanda sa palengke dahil ang presyo ng isang bell pepper na katamtaman ang laki ay P90, apat na pirasong kamatis ay P86 at ang isang guhit na siling labuyo ay P130. Sa madaling salita, wala akong binili dahil hindi kaya ng budget ko. Kaya, gutom ang inabot noong Bagong Taon. Nagtiis sa lamig na kanin at lutong ulam noong hapunan.
Tapos hinihikayat pa ng pamahalaan ang mga Pinoy na tangkilikin ang lokal na prutas gayong napakataas din ng presyo tulad ng pakwan, melon, chico, papaya, saging at iba. Saan pa ba susuot ang mga Pilipino upang makabili ng murang produktong ani at makakain ng masarap na putahe?
Wala! Sino ang nakikinabang sa mataas na bentahang ito? Ang mga magsasaka ba mismo o ang middlemen na sinasamantala ang okasyon at pagkakataon upang kumita?
Sa madaling salita, walang kwenta ang mga pangako ng gobyerno kaugnay sa walang magugutom program.