Home OPINION NAPABAYAANG MANILA BAY

NAPABAYAANG MANILA BAY

NAMAALAM ang 2024 subalit hindi nakalimutan ng inyong FIRING LINE na tutukan ang isang madalas na naisasantabing usapin- ang kahihinatnan ng Manila Bay.

Ang makasaysayang lawa na ito, na makapigil-hininga ang ganda tuwing papalubog na ang araw, ay hindi lamang basta anyong tubig; isa itong pambansang simbolo ng katatagan, paborito na gawing obra ng maraming artists, at bahagi ng napakaraming alaala ng mga Pilipino.

Sa katunayan, maraming beses na ako, kasama ang aking pamilya — at marahil maging kayo — ay sinalubong ang maraming Pasko, o maging ang Bagong Taon, sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex o sa Philippine Plaza Hotel (Sofitel) upang saksihan ang pagsisimula ng isang bagong taon na inihuhudyat ng napakagandang eksena ng fireworks na mistulang nagsabog na mga bituing ipininta sa tubig.

Sa kalagitnaan ng taong ito, tuluyan nang isinara ng Sofitel ang pintuan nito papasok sa dating maalamat na tanawin ng payapang lawa na pinaglaho at napalitan na ngayon ng naglalakihang makinang panghukay at pangtabon para sa reclamation, kaya ang pamosong “waterfront yard” ng hotel ay naging larawan na ng isang construction area.

Ang pagsasarang ito ay hindi lamang simpleng pagkawala ng isang pinakamamahal na institusyon, kundi isang malinaw na simbolo ng kasasapitan ng Manila Bay.

Sa kabila ng kahalagahan nito sa aspeto ng kultura at mga alaala, hindi maipagkakaila ang sistematikong pagbabago sa lawa bilang isang lugar ng komersiyo na nangangako ng malawakang progreso. Gayunman, kwestiyonable para sa akin ang kapalit nang pagsasagawa sa sinasabi nilang progresong ito.

Dapat na batid natin ang pinsalang posibleng idulot nito sa ating yamang dagat. At paano naman ang mga mangingisdang umaaray sa pagkawala ng kanilang kabuhayan?

Ito ang mga pangunahing dahilan kung bakit sinuspinde ni President Bongbong Marcos ang reclamation projects sa Manila Bay noong Agosto 2023. Tungkulin nating alamin ang magiging pangmatagalang epekto nang hindi pagkakasundo kaugnay ng mga hindi natukoy na epektong pangkalikasan ng mga proyektong tulad nito.

Bagamat mainam ang ipinatupad na suspensyon, ang ipinangakong transparency ay hindi pa nangyayari. Hindi pa rin nailalathala ang importanteng environmental assessment na kinomisyon ng Department of Environment and Natural Resources, sa kabila ng napaulat na ilang buwan nang available ang mga paunang findings.

Ang pagkakaantalang ito ay nag-iwan din ng pananagutan sa publiko, hinayaang manaig ang makasariling interes ng iba sa mga pagtatalo tungkol sa magiging kahihinatnan ng Manila Bay.

Sa kasamaang palad, ang ilang advocacy groups — bagaman lantarang kinokontra ang reclamation — ay mistulang mas nauudyukan ng layuning pampulitika o ng pondong mula sa dayuhan kaysa tunay na pagmamalasakit sa kalikasan.

Sa palagay ko, binabalewala ng kanilang selective activism ang mga pagsisikap ng mga tunay na nagpupursigeng makahanap ng balanse sa pagitan ng sustainable development at pagpapanatili sa yamang ito.

Sa pagpasok ng 2025, napakahalagang tumupad ang gobyerno sa ipinangako nitong transparency at pagkakaroon ng paninindigan. Ang sunset ng Manila Bay ay hindi dapat na maging alaala na lamang, tuluyang matabunan ng kaipokritohan at kapabayaan.

Umaasa tayo na ang pangunahing kapakanan ng Manila Bay – na malinaw namang napabayaan ngayong 2024 — ay kabilang sa mga new year’s resolution ng administrasyong Marcos.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).