Home OPINION DISTRACTION NI GUO

DISTRACTION NI GUO

KUNG totoo ang mga haka-haka na si Alice Guo, ang alkaldeng sinibak sa puwesto sa Bamban, Tarlac, ay espiya ng gobyernong Chinese, aba’y tuluy-tuloy siyang pumupuntos para sa kanyang bansang sinilangan.

Arestado na siya, nahaharap sa mga kaso sa Department of Justice at Ombudsman, pero patuloy pa rin siyang nakakaperwisyo sa mekanismo ng gobyerno.

Tingnan nating halimbawa kung paano niyang inagaw ang napakahalagang oras ng ating mga senador mula sa pangunahin nilang tungkulin na gumawa ng batas.

Sangkatutak na panukala para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino at mga negosyo ang nakabinbin sa Senado — pero isinantabi ang lahat ng ito mapakinggan lang ang mga kwento ng babaeng ito.

 Samantala, sa West Philippine Sea, abala naman ang China sa panggagaya sa sinasabi nilang ginagawa umano ni Guo—ang magkasa ng pangmatagalang laro ng distraction at domination.

 Nasa 207 barko ng China ang namataang paggala-gala sa rehiyon, nagtala ng mga bagong record pagkatapos manalasa ng delikadong bagyo. Simple lang ang estratehiya: magpakalat sa lugar ng sangkatutak na mga barko at gipitin para takutin at mapasunod ang Pilipinas na para bang madadaan sa kaangasan ang pagtatama sa isang bagay na maling-mali.

Ang bully ay bully kahit ano pang pagtatakip ang gawin nito, at hindi maaaring laging idahilan ng Beijing ang iginigiit nitong pagbibigay raw ng proteksiyon sa soberanya nang pinipilit nitong teritoryo nito.

Ang aktuwal na ginagawa nito ay ang ipilit ang sariling argumento sa pamamagitan ng paggamit ng dahas at pagkuyog, ipinapakita sa mundo na hindi ito masisindak ng anomang pandaigdigang batas.

Malinaw ang tribunal ruling noong 2016 na sumopla sa iginigiit ng Beijing, pero mas pinili nitong dedmahin at balewalain ang napatunayan at garantisado nang katotohanan.

Parehong-pareho ito ng taktika na mistulang ginagawa ni Guo — magdulot ng pagkalito at kaguluhan upang maisikreto ang isang malalim na agenda.

Ngayong pinapayagan ng mga opisyal ng ating gobyerno na ma-distract sila sa mga pagpapa-cute ni Guo, panahon nang ituon nilang muli ang kanilang atensiyon sa karagatan na target ding biktimahin ng China. Pareho ang mga ito na lantaran at teribleng banta ang hatid.

                        *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.