Home OPINION DOLE MAY P8.9M TULONG-KABUHAYAN SA MGA MANGGAGAWA NG BATANES

DOLE MAY P8.9M TULONG-KABUHAYAN SA MGA MANGGAGAWA NG BATANES

PERSONAL na pinangunahan ni Department of Labor and Employment II (DOLE) Regional Director Jesus Elpidio Atal Jr., ang pag-abot kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (BFAR-R02) Regional Director Angel Encarnacion ng tseke na nagkakahalaga ng PHP 8,985,250 bilang tulong sa mga mangingisda at magsasaka sa Batanes na lubhang naapektuhan ng mga bagyong Julian at Leon.

Makikinabang mula sa tulong-pangkabuhayan ang 11 asosasyon na binubuo ng 295 na manggagawa mula sa impormal na sektor na naapektuhan ang kabuhayan sa mga naganap na bagyo noong Oktubre at Nobyembre ng 2024. Ang tulong-pangkabuhayan ay bahagi ng proyekto ng DOLE-BFAR na “Sustaining Batanes Through Fisheries and Livelihood Program.”

Layunin ng proyekto na bigyan ang mga mangingisda at magsasaka ng kinakailangang kasangkapan, pagsasanay, at puhunan upang mapalakas ang kanilang produktibidad at kabuhayan.

Isinapormal ang proyekto sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) noong nakaraang taon. Bahagi ng proyekto ang probisyon ng mga bangkang de-motor, kagamitan sa pangingisda, tilapia aquaculture, at fish processing project.

Bukod sa mga materyales, magbibigay din ang DOLE ng business improvement course para sa mga benepisyaryo. Dagdag dito, sasailalim din ang mga benepisyaryo sa mga pagsasanay gaya ng fish smoking, tilapia aquaculture, at paggawa ng fiberglass boats at fishing gear mula sa BFAR.

Binigyang-diin ni Direktor Atal Jr., na ang pangmatagalang solusyon na ito ay hindi lamang para paunlarin ang kabuhayan ng mga mangingisda, layunin din nito na lumikha ng mga trabaho, paghusayin ang seguridad sa pagkain, at palakasin ang lokal na ekonomiya ng Batanes.

Samantala, pinasalamatan ni Director Encarnacion ang DOLE at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad.

Pinagtitibay ng pagtutulungang ito ang pangako ng DOLE at BFAR na itaas ang sosyo-ekonomikong kondisyon ng mga marginalized sector sa rehiyon, at ng sa huli ay positibong makatulong sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa.

Ang seremonya sa paggawad ng tulong-pangkabuhayan ay sinaksihan nina DOLE Batanes Satellite Office Head Ramoncito Liggayu at BFAR Batanes Provincial Fisheries Officer Ritchie Rivera.