Home OPINION ‘DRAWING’ NA RAID SA BAHAY NI CONG

‘DRAWING’ NA RAID SA BAHAY NI CONG

307
0

BIGLANG nagulantang ang mga residente ng Barangay San Vicente sa Concepcion, Tarlac sa isang eksenang tila may Martial Law. May mga armadong puwersa sa bawat kanto, mga kalsadang isinara at isang komunidad na tinratong kalaban ng estado. Biglaan ang paglusob ng maraming pulis at sundalo, bandang alas-5 ng umaga.

Hindi iyon operasyon kontra-terorismo o kriminal, kundi pagsisilbi lang ng search warrant sa bahay at compound ni Rep. Noel “Bong” Rivera.

Mahigit isang daang Special Action Force at Criminal Investigation and Detection Group personnel ang idineploy, sinelyuhan ang lugar, hinarangan maging ang mga opisyal ng barangay. Umabot hanggang tanghali ang paghahalughog.

Ang umano’y target: mga iligal na baril. Sa harap ng maraming saksi, walang nakuhang mga baril at walang pag-aresto, walang ebidensya—kundi takot na mga bata, nasirang ari-arian, at isang komunidad na nadamay sa isang operasyong walang napala.

Iniimbestigahan si Rivera ng Ombudsman ukol sa bilyon-bilyong pisong proyektong pang-imprastraktura ngunit walang lohika o pamantayan na makapagtatanggol sa pag-deploy ng halos pandigmang puwersa para lamang magsilbi ng warrant na nauwi sa wala.

Malala pa ito sa naunang kabiguan ng CIDG sa Midas Hotel sa Pasay kung saan daan-daang tauhan ang ipinakalat sa 10-palapag na gusali upang hanapin ang wanted sa kasong graft. Wala ring naaresto, walang ebidensya kaya bigo silang umalis.

Sobrang puwersa, mahinang intelihensya, at “palabas” na operasyon. Hindi ito lakas ng estado kundi kahihiyan sa law-enforcement na ipinagpapalit ang propesyonalismo.

Ang nakababahala, may isang Cabinet secretary na nasa likod ng operasyong ito. Isang tahasang paggamit sa kapangyarihan ng estado laban sa personal o pampulitikang kaaway.

Ang ganitong garapal na pag-abuso ay may malaking epekto sa itaas. Bumagsak sa pinakamababang antas ang satisfaction rating ni Pangulong Marcos Jr. batay sa WR Numero, isang survey firm. Ito’y dahil sa paulit-ulit na institusyonal na sablay—lalo na yaong may bahid-yabang at abuso.

Dapat may gumulong na ulo sa pagdedeploy ng “ilang batalyon” para sa mga operasyong nauuwi sa wala. Malinaw na kabiguan ito ng pamumuno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here