Home NATIONWIDE Drayber ng cargo truck inatake sa puso, SUV at tricycle inararo

Drayber ng cargo truck inatake sa puso, SUV at tricycle inararo

MANILA, Philippines – Bumangga ang isang truck sa isang SUV at tricycle sa harap ng Manila Medical Center sa UN Avenue sa Maynila nitong Sabado ng hapon, Abril 13.

Sa inisyal na ulat, alas-5 ng hapon nang mangyari ang insidente matapos umanong atakehin sa puso ang driver ng truck na pag-aari ng Santiago Cargo Movers Incorporated (SCMI).

Galing sa Paco, Maynila ang truck at patungong Pulilan, Bulacan upang mag-deliver ng trigo.

Ayon sa pahinante ng truck na si Jomar Caparas, wala itong napansin na kakaiba sa drayber habang nagmamaneho ngunit pagsapit sa harapan mismo ng naturang pagamutan ay bigla na lamang sumubsob ang drayber sa manibela.

Tiyempo namang nasa tapat ng ospital ang isang Fortuner na kulay silver (3167 NEL) nang mabangga ng truck.

Isa pang tricycle ang nabangga ng truck na noo’y kakahatid lamang umano ng pasahero sa naturang ospital.

Dahil matindi ang pagkabangga ng truck, natanggal ang bumper nito habang ang unahang gulong ng tricycle ay pumasok sa ilalim ng harapan ng cargo truck.

Masuwerte namang nakatalon ang drayber ng SUV at tricycle kaya walang nasaktan sa kanila maliban sa mga pinsala ng nasabing mga sasakyan kung saan ang Fortuner ay naparampa pa sa planter box.

Alas-9 ng gabi nang dumating ang kaanak ng biktima at kinatawan ng SCMI trucking na si Josephine de Guzman na nangakong hindi pababayaan at sila ang bahalang mag-asikaso sa labi ng biktima.

Posible umanong dahil sa sobrang init ng panahon kaya inatake ang biktima habang nagmamaneho.

Napag-alaman pa na nangingitim na ang mukha ng biktima nang ibaba ito mula sa kanyang driver seat. Jocelyn Tabangcura-Domenden