MANILA, Philippines- Isinaalang-alang ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa driver ng bus at Pangasinan North Transit Incorporates na sangkot sa karambola sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) noong Huwebes na ikinamatay ng 10 katao.
Sa naturang aksidente, 10 katao kabilang ang apat na bata ang nasawi habang 37 iba pa ang sugatan matapos makaidlip ang driver ng bus na nagresulta sa pagbangga sa ibang sasakyan at isa sa toll plaza sa SCTEX.
Sinabi ng DOTr na ang buong bus ng Pangasinan Solid North Transit Incorporated ay suspendido sa loob ng 30 araw.
Binalaan ng ahensya ang mga motorista na maging maingat sa kalsada simula pa noong Holy Week.
Bumuo na rin ng special task force na naglalayong bawasan ang bilang ng mga pampublikong sasakyan na nasasangkot sa mga aksidente.
“Ngayong apat na buwan pa lang ng 2025, nalampasan na yung total number recorded ng LTFRB na mga insidente ng namatay at nainjure noong buong 2024, kasama na itong nangyari kahapon,” sabi ni Dizon.
Nakipagpulong na rin ang DOTr sa may-ari ng mga bus companies upang balaan sila na dapat mayroong pagbabago sa operasyon ng pampublikong transportasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden