Home OPINION EDUCATIONAL ASSISTANCE MAHALAGA SA MGA KABATAANG MAG-AARAL

EDUCATIONAL ASSISTANCE MAHALAGA SA MGA KABATAANG MAG-AARAL

PALASAK  at madalas na nating naririnig ang wika ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal na “Nasa kabataan ang pag-asa ng ating bayan” ngunit kailangan nating ito ay ulit-uliting sabihin upang mapaalalahanan ang mga kabataan sa  kasalukuyang henerasyon at darating pang henerasyon na sila ay malaki ang maiaambag sa pagbabago at pag-unlad ng ating bayan.

Ang edukasyon ang sandata ng mga kabataang pag-asa ng bayan para maging mahusay silang pag-asa ng bayan sapagkat kung salat sila sa kaalaman at katalinuhan na bunga ng edukasyon ay malamang na hindi sila magiging epektibong mga pag-asa ng bayan.

Kaya naman nararapat na ang pamahalaan ay laging andyan para maseguro na ang lahat ng mga kabataan ay magkaroon ng sapat na edukasyon.

Napakalaking kaalwanan ang maging libre na ang edukasyon mula elementarya, sekondarya at kolehiyo sa mga pampublikong paaralan at pamantasan sa buong bansa.

Dagdag pa rito, malaking tulong din sa mga kabataan na mabigyan ng educational assistance at scholarship programs mula sa iba’t-ibang tanggapan mapa-publiko o pribadong sektor man.

Ang senators at congressmen ay naglalaan din ng mga pondo para sa kanilang scholarship program gaya ni Senator Risa Hontiveros na ang kanyang AICS ay, kung minsan, mga kabataang mag-aaral ang napagkakalooban.

Samantala, sa aming 7th District of Cavite sa pangangasiwa ng magkapatid na sina Rep. Ping Remulla at Board Member Abeng Remulla,  may mga kabataang mag-aaral na mapapalad na nakatanggap ng cheque mula sa Student Monetary Assistance for Recovery and Transition (SMART) Program ng Commission on Higher Education.

Ang allowance na ito ay para tulungan ang mga kabataang mag-aaral na makapag-focus sa kanilang pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap.

“Sama-sama nating gawing mas accessible ang edukasyon para sa lahat. Salamat po sa ating representatives mula sa CHED Regional Office IV na sina Ma’am Agnes Mendoza, Sir John Sylvan Magbanua, Ma’am Emmalyn Amar at Rep. Ping Remulla,” ito ang wika ni Board Member Abeng Remulla.

Nawa’y marami pang tanggapan ng pamahalaan, pribadong kompanya at mga lingkod bayan ang patuloy na maglaan ng mga educational assistance at scholarship program para sa pag-aaral ng mga kabataan.