Home OPINION RIGODON SA SENADO

RIGODON SA SENADO

PARANG tsunami sa pulitika ang nangyari sa Senado noong nakaraang linggo.   Sa isang iglap nag-resign bilang Senate President si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri at napalitan ni Sen. Chiz Escudero.  Labinlimang senador ang pumirma sa resolusyon para mangyari ang palitan ng liderato.

Ilang araw din na itinaggi ng mga senador ang planong pagpatalsik kay Zubiri pero kalaunan hindi na rin napigilan ang mga pangyayari.   Sa isang madamdaming talumpati, nagbitiw ng malungkot at may maliit na tampo ang napaalis sa pwesto.  Nagpatudsada pa s’ya na kaya raw nangyari ito ay dahil hindi s’ya sumunod sa mga utos ng mga nakatataas.

Pero ano nga ba kaya ang mga dahilan?

Ayon sa mga haka-haka, hindi nagustuhan ng Malakanyang na pinayagan ng dating Senate President ang mga pagdinig tungkol sa PDEA leaks na isinasanagkot si Pangulong BBM sa mga iligal na droga.  Nadismaya rin daw ang ilan sa sobrang bagal nang paglabas ng arrest warrant ng Senado laban kay Pastor  Apollo Quiboloy.  Bigo rin daw ang Senado na maipasa ang mga batas na kailangan ng administrasyon, na na-aprub na ng Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC.

May nakapagbulong din sa akin na isa rin daw posibleng dahilan ay hindi kayang kumbinsihin ni Zubiri  ang mayorya ng Senado na suportahan ang Charter change o pag-amyenda sa Saligang Batas, na pangunahing prayoridad naman ng Kamara de Representates sa pamunuan ni Speaker Martin Romualdez, pinsang-buo ni PBBM.

Kung totoo man ang ilan o lahat ng mga rason na ito, malinaw na buwag na nga ang uniteam ng mga Marcos at Duterte.   Sobrang lalim na ng hidwaan ng dalawang kampo sa usapin ng war on drugs, ng imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC, ang isyu sa West Philippine Sea at sa kaso laban kay Pastor Quiboloy.  Collateral damage na itong posisyon ng Senate President.

Nagtataka lang ako pagdating sa isyu ng Cha-cha.  Kilala kasing laban sa Cha-cha itong si Escudero at malinaw n’yang ipinahayag ito agad pagkatapos n’yang manumpa bilang bagong pinuno ng Senado.

Kung Malacanang nga ang nasa likod ng rigodon sa Senado, dalawang scenario ang nakikita ko.   Una ay tinanggap na ng administrasyon na hindi nila kayang itulak ang Cha-cha o kaya ay inaasahan nilang mas mapabibilis ni Sen. Chiz ang Cha-cha kung s’ya ang Senate President.

Abangan ang susunod na kabanata.