Home METRO Ginang patay sa selos ng kinakasama

Ginang patay sa selos ng kinakasama

BAYOMBONG- INATADO ng saksak hanggang sa mamatay ang isang ginang ng kanyang live-in partner dahil sa matinding selos ng huli, iniulat kaninang umaga, Setyembre 4 sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Kinilala ang biktimang si Venus Estranero, 51-anyos habang naka-hospital arrest naman ang suspek at kinakasama nitong si Morato Geralde, 49-anyos at kapwa nakatira sa Latorre South, Bayombong.

Batay sa report ng Bayombong Police Station, naganap ang krimen sa loob ng inuupahang bahay ng suspek at biktima sa nasabing lugar.

Kwento ng mga kapitbahay, madalas nilang naririnig na nagtatalo ang dalawa dahil sa pagseselos ng suspek.

Hanggang sa nakarinig na lamang sila ng sigaw ng biktima na humihingi ng tulong dahilan para tumawag na sila ng tulong sa pulisya.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa nasabing lugar, nakita nila sa bintana ang duguang biktima habang may hawak ng kutsilyo ang suspek.

Agad na sinipa ng mga pulis ang pintuan ng bahay para buksan subalit maging sila ay sinugod ng kutsilyo kaya napilitan na silang barilin ito sa binti.

Isinugod naman sa ospital ang dalawa subalit idineklara na ring patay ng umatending doktor si Estranero sanhi ng maraming tama ng saksak sa buong parte ng katawan nito.

Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay ang suspek. Mary Anne Sapico

Previous article24 pulis positibo sa droga mula Enero ‘gang Agosto – PNP
Next articlePanukala vs teenage pregnancy, OKs na sa Kamara