Home NATIONWIDE Panukala vs teenage pregnancy, OKs na sa Kamara

Panukala vs teenage pregnancy, OKs na sa Kamara

MANILA, Philippines – Aprubado na sa Malaking Kapulungan ng Kongreso ang panukalang naglalayong pigilan ang teenage pregnancy at maprotektahan ang mga batang ina.

Binigyang diin ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na pangunahing layunin ng House Bill (HB) No. 8910 ang tugunan ang isyu ng maagang pagbubuntis at pagiging ina na mayroong masamang epekto sa kapwa ina at sanggol at gayundin sa lipunan.

Tinukoy sa panukala ang ulat ng United Nations Population Fund noong 2020 na ang Pilipinas ang may pinakamataas na teenage pregnancy rate sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kung saan nasa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at pinagbawalan ang karamihan na lumabas.

Lumabas sa pag-aaral na mahigit 500 kabataan umano ang nagbubuntis o nanganganak kada araw o lagpas 182,500 sa isang taon na nagkakaroon ng negatibong epekto sa maagang pagbubuntis gayundin ay nakakabawas sa paglago ng ekonomiya ng tinatayang P33 bilyon kada taon.

“The social cost of this issue and the negative impact on the national budget could run into billions – in terms of the government having to take care of young mothers and their babies. There is also the human development aspect,” sinabi ni Romualdez.

Mahalaga ayon sa mambabatas na maihanda ang mga kabataan upang maging mga responsableng magulang sa hinaharap.

Nakapaloob din sa panukala ang pagtatayo ng Adolescent Pregnancy Prevention Inter-Agency Council (APPIAC) na pamumunuan ng Population Commission executive director bilang chairperson at ang executive director ng Council for the Welfare of Children na magsisilbing co-chairperson nito.

Magiging miyembro naman ng konseho ang mga itatalagang kinatawan mula sa Department of Health, Department of Education, Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government, Commission on Higher Education, Philippine Commission on Women, National Youth Commission, at Technical Education and Skills Development Authority, mga chairperson ng leagues of provinces, cities at municipalities, dalawang kinatawan ng women’s rights groups, isang adolescent representative, at isang youth representative.

Ang itatatag na konseho ang siyang bubuo at magpapatupad ng isang national action plan upang mapigilan ang teenage pregnancy at magrekomenda ng mga panukalang batas kung kinakailangan.

Magtatayo rin ng regional, provincial, city, at municipal counterparts ng konseho para pangasiwaan ang pagpapatupad ng programa.

Sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo ng panukala, ang APPIAC ay ipatatawag upang magtalaga ng dalawang katawan ng women’s rights groups, at tig-isang kinatawan ng adolescents at youth sector.

Ang konseho ang bubuo ng implementing rules and regulations ng panukala.

Upang mas mabantayan ang pagiging epektibo ng konseho ay kasabay na itatayo ang isang joint congressional oversight committee na magbabantay sa pagpapatupad ng panukalang Adolescent Pregnancy Prevention Act.

Kabilang sa mga pangunahing may-akda ng panukala ay sina Reps. Edcel C. Lagman, Juan Fidel Felipe F. Nograles, Charisse Anne C. Hernandez, Stephen James T. Tan, Patrick Michael D. Vargas, Francisco Paolo P. Ortega V, Raoul Danniel A. Manuel, Juan Carlos “Arjo” C. Atayde, Rex Gatchalian, Ruth Mariano-Hernandez, Faustino Michael Carlos T. Dy III, Kristine Alexis B. Tutor, JC Abalos, Keith Micah “Atty. Mike” D.L. Tan, Christopherson “Coco” Yap, Reynolds Michael T. Tan, Ivan Howard Guintu, Angelo Marcos Barba, Jane T. Castro, Margarita “Atty. Migs” B. Nograles, Eric R. OLY Buhain, Jeyzel Victoria C. Yu, Jernie Jett V. Nisay, Romulo “Kid” Peña JR, Christian S. Unabia, Irwin C. Tieng, Mary Mitzi L. Cajayon-Uy, Dante S. Garcia, Bai Dimple I. Mastura, Peter B. Miguel, Joseph S. Tan, Emigdio P. Tanjuatco III Antonio B. Legarda Jr., Jose “Joboy” S. Aquino II, Julienne “Jam” Baronda, Arnie B. Fuentebella, Yevgeny Vincente B. Emano, Bryan B. Revilla, Jude A. Acidre, Arlene D. Brosas, Arthur F. Celeste, Joseph Gilbert F. Violago, Noel “Bong” N. Rivera, at Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe. Meliza Maluntag

Previous articleGinang patay sa selos ng kinakasama
Next articlePH, US warships nagdaos ng ‘bilateral sail’ sa Palawan