Home OPINION GOBYERNO NATAUHAN NA, ICC ‘WAG MAKIALAM

GOBYERNO NATAUHAN NA, ICC ‘WAG MAKIALAM

NAGKAMALI ang International Criminal Court sa pakikialam sa judicial system ng Pilipinas dahil lang sa gusto nitong imbestigahan ang mga naging sangkot sa “war on drugs” noong nakaraang administrasyon.

Sa wakas, natauhan na ang mga opisyal ng pamahalaan at nagawang talampakin ang ICC na hindi na ito dapat pang manghimasok sa judicial system at law enforcement mechanism ng bansa sapagkat wala itong hurisdiksyon.

Sinabi mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay German Chancellor Olaf Scholz na  gumagana ang judicial system sa bansa at tumutugon ito sa mga kailangang gawin upang maipatupad ang batas at katarungan.

O di ba parang sinabi ng Pangulong Marcos na kaya naming gawin ang nararapat upang tumakbo ng maayos ang hustisya sa aming sariling bansa kaya’t hindi kailangan ang ICC na siyang nagpapagulo pa sa takbo ng imbestigasyon sa “Laban Kontra Droga.”

Kumikilos ang hustisya kaya maling-mali ang ICC sa pagpipilit nito na makapag-imbestiga sa naganap na paglaban kontra droga ng nakaraang administrasyon o ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagsasabi ni Pangulong Bongbong na kumikilos ang bansa, ibig sabihin nito ay hindi natutulog ang kanyang administrasyon at hindi rin nagpapabaya sa trabaho.

Tama naman si PBBM. Gumagana ang judiciary ng bansa at hiwalay naman ito sa ehekutibo at lehislatura. Ang tatlong sangay ng pamahalaan ay may kakanyahang gawin ang kanilang tungkulin at responsibilidad sa bayan.

Lalong hindi maitatanggi na umiiral at nananaig ang “rule of law” sa bansa sapagkat hindi natutulog sa pansitan ang mga tauhan ng military at gayundin ang mga personnel ng pulisya.

Ano pa nga ba ang hinahabol ng ICC sa Pilipinas gayong noon pang Marso 2019 ay kumalas na ang bansa bilang miyembro ng una?

Sana nga ay magtuloy-tuloy ang paninindigan ni PBBM na hindi papapasukin sa imbestigasyon ang ICC sapagkat magugulo lang ang matahimik na proseso at batas sa bansa kaugnay sa pagharap sa mga kaso ng droga.

Tigilan na rin ng mga mahuhusay na pilosopo sa bansa ang pakikisawsaw sa usapin ng imbestigasyong nais ng ICC dahil kapag hinayaan itong mangyari, para na ring sinabi ng pamahalaan na inutil sila sa pagsasagawa o pagbibigay ng hustisya sa mga nangangailangan nito.

Previous article‘BAYAY PAGLAUM’
Next articleMt. Kanlaon ilang araw nang nasusunog