Home NATIONWIDE Graduation sa Maynila, gawin sa loob ng paaralan sa gitna ng krisis...

Graduation sa Maynila, gawin sa loob ng paaralan sa gitna ng krisis sa langis – Isko

183
0

MANILA, Philippines – MAHIGPIT na iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na sa loob na lamang ng kani-kanilang paaralan idaos ang lahat ng graduation rites ng mga pampublikong elementarya at high school sa Maynila.

Ayon sa alkalde, bawal nang magdaos sa mga hotel, events place, o anumang off-campus venue ang mga pagtatapos upang hindi na madagdagan pa ang gastusin ng mga magulang, lalo na ngayong nakaamba ang pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo.

Sa ginanap na regular management committee meeting, inatasan ni Yorme Isko ang Schools Division Office of Manila sa pangunguna ni Superintendent Dr. Sheryll Gayola na tiyaking sa loob lang ng school grounds gagawin ang seremonya.

Giit ni Yorme, dapat maging simple, praktikal, at matipid ang graduation.

“Hangga’t maaari, gawin nating modest at frugal ang selebrasyon,” diin ng alkalde.

Paliwanag ni Domagoso, bahagi ito ng paghahanda ng lungsod sa posibleng global oil shock bunsod ng tumitinding tensyon sa Middle East at sa napaulat na blockade sa Strait of Hormuz — isang mahalagang daluyan ng halos 20% ng suplay ng langis sa buong mundo.

“Dalawampung porsyento ng oil supply sa buong mundo — kasama ang Pilipinas — ay apektado. Kapag nagkaproblema ang source, tataas ang presyo,” babala ni Yorme Isko.

Dagdag pa niya, asahan ang pagmahal ng gasolina, pamasahe, at maging ng mga pangunahing bilihin kapag tuluyang naapektuhan ang suplay.

Ibinatay ang kautusan ni Yorme sa nilagdaan nitong Executive Order No. 7, Series of 2026, na nag-uutos ng 50 porsyentong bawas sa konsumo ng gasolina ng lahat ng departamento at tanggapan ng pamahalaang lungsod.

Sa ilalim ng EO, ipinagbabawal ang non-essential travel, suspendido ang “lakbay-aral,” at ipinatutupad ang pagtitipid sa kuryente tulad ng pagbabawas ng ilaw at paggamit ng online meetings kung maaari.

Para kay Yorme, mahalaga ang graduation sa buhay ng estudyante — pero sa panahon ng pandaigdigang krisis, mas dapat manaig ang pag-iingat at praktikalidad.

“I don’t want to get ahead of myself, but just for purposes of aligning ourselves with the national direction, hangga’t maaari, mabawasan natin ‘yung mga unnecessary costs,” pagtatapos ni Domagoso. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here