Home OPINION GRASSFIRE DELIKADO, HUWAG ISAWALANG-BAHALA

GRASSFIRE DELIKADO, HUWAG ISAWALANG-BAHALA

DUMARAMI ang mga grassfire.

Huwag isawalang bahala ang mga ito.

Mapaminsala ang mga ito kung mapabayaan at kumalat nang kumalat.

Karaniwang grass fire ang tawag sa mga damo na tuyong-tuyo na sa kaunting baga lang na dadapo sa mga ito, magliliyab na.

Pero hindi lang ang mga damo ang madaling lumiyab kundi pati mga dahon.

Para sa mga kabahayan na maraming dahong nalalaglag, kapag natuyo ang mga ito, madali ring masunog.

Sa isang upos lang ng sigarilyo na may baga, maaaring liliyab din ang mga ito.

Sa mga kabundukan na maraming puno, hindi imposibleng mangyari ang mga forest fire na galing lang sa mga grass fire.

Marami nang forest fire ang naganap sa Pilipinas at pinakahuling anyo nito ang naganap sa Benguet noong unang linggo ng Marso ngayong taon at sumira ng 24 ektaryang lupain at kagubatan.

Sinasabing gawa ng tao, maaaring sinadya o kapabayaan nila, ang puno’t dulo ng mga forest fire na ilang beses nang naganap sa Benguet simula noong Enero 2024.

Hindi naman imposibleng likha ang ilan dito ng grass fire.

Ang nangyaring sunog sa parking lot sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, hindi kaya sanhi ng grassfire?

At puminsala iyon ng nasa 18 sasakyan na milyon-milyong piso ang halaga.

Mag-ingat sa grassfire, leaves fire o anoman ang tawag sa mga ito.

Huwag hayaang may maganap na ganitong uri ng sunog na maaaring magtagal ng ilang araw o ilang linggo na tiyak na mapaminsala sa buhay at ari-arian.

Para sa mga bahay o kumunidad na may mga tuyong damo o dahon sa paligid, simulan nang ipunin ang mga ito sa mga lugar na kung maging apoy ay hindi ikadadamay ng mga ari-arian o kaya’y isama sa mga itinatapong basura.

‘Yung mga gumagala at masisipag na nagwawalis sa mga kalsada, ‘yung mga kasali sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, baka maisipan nilang isama sa programa ang laban sa sunog mula sa grass fire.