
BINABASA ninyo ito, dear readers, “nakakulong” pa rin si ex-Colonel Hector Grijaldo, isa sa mga ‘resource persons’ ng ‘Quadcomm’ noong isang taon na hindi “sumunod” sa ‘script’ ng ‘House Gang of Four’ na “idiin” si ex-President Rody Duterte, sa isyu ng ‘reward money’ sa mga napapatay na ‘drug pushers’ at ‘drug lords’ sa panahon ng ‘War on Drugs.’
Ang sabi pa nga niya, “pinipilit” siya nina ex-Cong. Dan Fernandez ng Laguna at ex-Cong. Benny Abante ng 6th District ng Maynila, sa gusto nilang sabihin niya at gusto nilang marinig ng publiko pero hindi siya pumayag.
Opps! Parehong talunan ngayong eleksyon sina Fernandez at Abante, kasama na ang iba pa nilang mga nagpabidang mga mambabatas noong sila pa ang “namamayagpag” sa poder ng kapangyarihan. Translation? Sadyang “ibinasura” sila ng mga botante, aguy!
Dahil nga ayaw “makisama,” ipinakulong si Col. Grijaldo ng Quadcomm. Sa ating pagkaalam, aabot na ngayon sa higit limang buwan na siyang nakakulong sa piitan ng isa sa mga istasyon ng pulisya ng Quezon City Police District— dahil lang hindi siya napilit na baguhin ang kanyang testimonya.
Sa pagkaalam din natin, noong Pebrero, bago ang simula ng kampanya para sa eleksyon, natapos na ang ‘hearing’ ng Quadcomm at nagsumite na ng kanilang mga rekomendasyon sa Kongreso at kahit sa Department of Justice.
Eh bakit hindi isinama ang pagpapalabas sa kulungan dito kay Col. Grijaldo? “Nakalimutan” lang kaya ng liderato ng Kamara? O baka naman “sinadya?”
Ano man ang tunay na dahilan, magandang pagkakataon ito sa mga nagpoposturang ‘human rights advocates’ na mag-ingay at kalampagin ang gobyerno sa naging sitwasyon ni Col. Grijaldo. Sa ganang atin, ‘GHRV’ ang nangyari rito— ‘gross violation of human rights’ ni Col. Grijaldo.
Ngayon ninyo ipakita na totoo at hindi peke ang pagiging “makatao” ninyo.
Tamang pagkakataon din ito sa liderato ng Kamara na maiwasto ang isang malaking “kasalanan” sa nangyaring ito. Mantakin ninyo, ipinakulong at pagkatapos “nakalimutan” na?
Asan naman ang “malasakit” dito, aber?!
Abangan!