Home OPINION PADRINO HANAP NG MGA NANIRA KAY YORME ISKO

PADRINO HANAP NG MGA NANIRA KAY YORME ISKO

BAGO pa man magdeklara ng kanyang kandidatura si Yorme Isko Moreno, marami na ang hayagang nagbigay ng suporta sa dating alkalde mula sa mga dati niyang kasama sa Manila City Hall.

Pero siyempre mas marami ang hindi hayagan ang kanilang pagsuporta sa dating alkalde at naiintindihan naman ito ni Yorme dahil sa kanilang pangamba na “resbakan” sila at maapektuhan ang kanilang career bilang opisyal o kawani ng lokal na pamahalaan.

Marami sa kanila ang kilala na rin naman tiyak ni Yorme, lalo na career officials na hindi nabigyan ng pwesto ng outgoing administration dahil kilala nga silang taga-suporta ng dating alkalde.

Kaya lang, mayroon naman na talagang hayagan ang kanilang pagtutol sa pagbabalik ng dating alkalde na kung banatan ay mula ulo hanggang paa na akala mo ay napakasamang tao at walang nagawang mabuti sa Maynila.

Halos araw-araw yata ay ginawang pulutan ng wala namang inuman si Yorme Isko na sa halip na manira rin ng kapwa, minabuting sumalag na lang at magpaliwanag sa taumbayan kaysa bumanat sa mga kalaban.

Pero nang manalo na nga si Yorme Kois, aba’y mukhang kanya-kanya ng hanapan ng kanilang padrino itong mga matitinding kritiko ng mauupong alkalde para syempre magkaroon muli ng pagkakataon na makahanap ng magandang pwesto.

Sasamantalahin tiyak nila kung anoman ang kahinaan ni Yorme, at ito iyong pagkakaroon niya ng kababaang loob at madaling lumimot at magpatawad.

Pero kahit may katangian ang alkalde na madaling magpatawad, mayroon naman siguro itong hangganan, lalo na’t may karanasan na rin naman siya sa mga dating kaibigan na nagtaksil sa kanya at bumanat nang bumanat matapos tumugon sa panawagang bumalik muli bilang alkalde ng lungsod.

Marami kasing paraan para muling makadikit kay Yorme ang mga ito, kabilang na ang paghahanap ng padrino, kaya abangan na lang natin kung papopormahin pa silang muli ng bagong halal na alkalde.

Maaaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.