Home OPINION KAYA PA BA, MR. PRESIDENT?

KAYA PA BA, MR. PRESIDENT?

NAGKAKANDAHETOT-HETOT na ang kasalukuyang gobyerno — sa ilalim ng administrasyong Bongbong Marcos.

Nasaksihan natin na nasayang lang ang unang tatlong taon nito nang walang kongkretong “accomplishments” tulad ng ipinangako noong pangpanguluhang halalan.

Opkors, hindi pabor dito ang mga tagasuporta ni Pangulong Bongbong Marcos at tiyak na makikipagdebate sila sa akin at sa malamang, baka awayin pa nila tayo.

Ngunit tingnan n’yo ang naging resulta ng nakaraang halalan. Nalaglag ang karamihan ng kandidato o ‘yung bonggang-bonggang iniendorso ni Bongbong. Ipinakikita ng pagkabigong ito na wala nang “kumbinsing power” ang Pangulo.

Lima lang ang pumasok sa Senado. Pito sana ngunit kumalas sa Alyansa ang dalawa – sina Camille Villar at Imee Marcos.

Hindi pa masabi kung “kapanalig” nga talaga niya sina Ping Lacson at Tito Sotto na matagal nang “pakner in crime” sa Senado. Natsimis ang dalawa na “nag-courtesy call” daw kay VP Sara, ilang araw matapos ang eleksyon.

Itinatanggi ito ni Lacson pero sabi nga, “walang usok kung walang apoy”. Kumikilos na raw sina Ping at Tito Sen para makopo ang liderato ng Senado.

Hindi rin orig na “bata” ni PBBM si Erwin Tulfo. E ‘di ba nga’t hindi pumirma si dating ACT-CIS partylist Rep. Tulfo para ipa-Impeach si VP Sara. Kaya sa malamang kapag gumulong na ang Impeachment trial sa Senado, baka hindi rin siya bumoto para patalsikin ang bise-presidente.

Bakit n’ya nga naman ito gagawin kung sa susunod na mga taon ay magiging “lame duck” na lang si PBBM habang si VP Sara naman ang pinakamalakas na kandidato sa pagkapangulo sa 2028?

Mismong si PBBM ay “umaamin” na wala talagang nangyari sa nakaraang tatlong taon niya sa poder. At nararamdaman na niya ang “galit sa kanya” ng mga tao, batay sa nakaraang resulta ng halalan. Nagpakaang-kaang lang kasi lang ang kanyang Gabinete.

“The people have spoken, and they expect results – not politics, nor excuses. We hear them, and we will act,” ang sabi ni Marcos.

Kaya naman nanawagan siya sa lahat ng kanyang mga opisyal na magsumite ng courtesy resignation para makapamili ng mga bagong gaganap nang maayos at mahusay sa kanyang gobyerno.

Nais niyang bumawi sa taumbayan dahil lagapak at humilahod ang kanyang approval at trust rating. Ang tanong ay kaya pa ba, Mr. President? Sa ganang atin ay may panahon pa para siya ay makabawi.

Una niyang gawin ay kumilos siya para “masibak” bilang House Speaker ang kanyang pinsan na si Martin Romualdez na totoong “sumira” sa kanyang gobyerno dahil sa pansariling ambisyon nito sa pulitika.

Ang sunod ay pumili siya ng mga tamang tao na ilalagay sa kanyang Gabinete. Mga itatalagang kalihim na may disiplina, may pananagutan, transparent at magiging inspirasyon ng mga tauhan ng gobyerno tungo sa tunay na pagbabago.