Home OPINION GUILTY BAGO MAPATUNAYANG INOSENTE

GUILTY BAGO MAPATUNAYANG INOSENTE

SA panonood ko ng balita noong nakaraang linggo, natutukan ko ang nakababahalang report tungkol sa isang ambulansiya na hinarang sa pagdaan sa EDSA Carousel bus lane nang walang sakay na pasyente. Sa totoo lang, inakala ko pa nga na baka prank lang iyon na pahabol sa April Fool’s Day.

Sinong matino ang pag-iisip ang pahihintuin ang isang ambulansiyang may umaalingawngaw na sirena sa paggamit ng fast lane ng EDSA? Gayunman, sa pagtatapos ng report ng GMA News, naging malinaw kung gaano na ngayon kaistrikto, o kawalang isip, ang Metropolitan Manila Development Authority.

Ayon pa sa report, nag-isyu pa nga raw ng traffic violation tickets ang MMDA sa apat na iba pang ambulansiya bago ang nasabing insidente.

Depensa naman ng MMDA, maging ang mga sasakyan daw ng militar at ng Philippine Drug Enforcement Agency ay bawal dumaan sa espesyal na busway, pero pinayagan ang isang MMDA bus na naisyuhan ng isang special permit.

Balik tayo sa ambulansiya, nababahala ang Firing Line kung paanong mali ang pagtukoy ng MMDA sa mga prayoridad na gumamit ng importanteng serbisyo nila at kung paanong nakakaapekto ang traffic regulation ng ahensiya sa operasyon ng mga “emergency hospitals on wheels.”

Naiintindihan ko na maraming ambulansiya ang gumagamit ng bus lane dahil kailangang masundo nila ang pasyente sa pinakamabilis na paraan. Pero, bawal pala sila. Paano na lang kung ang partikular na ambulansiyang iyon ay papunta sana sa susunduing pasyente? Siyempre naman, napakahalaga ng oras.

Ano, mamamatay na lang sa kahihintay sa traffic sa EDSA? Ayaw ipagamit and bus lane dahil sa duda? Ang nananaig na katwiran dito ay para bang: Guilty hanggang mapatunayang wala palang pagkakasala. Ganun nga ba, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla?

Mayroon naman sigurong ibang paraan o sistema upang mapatotohanan ang dahilan ng mga ambulansiya. Pupuwede siguro ang “mission order” ng ambulance service management kung saan nakadetalye ang pangalan ng pasyente, address kung saan ito susunduin, ospital kung saan ito dadalhin, at petsa at partikular na oras na epektibo at valid ang mission order.

Pero para sa akin, mas mabuti nang magkamali dahil sa pag-iingat. Huwag pahintuin o abalahin ang mga ambulansiyang aktibo ang emergency lights. Kung sakali naman, patawan na lang ng malaking multa o kaya naman ay suspendihin ang lisensiya — mabigat pero makatwirang parusa sa pagtatangkang samantalahin ang sistema.

                                         Pagpili sa PNP Chief

Nitong nakaraang linggo lamang, sinita ko ang proseso ng pagpili sa bagong Philippine National Police Chief dahil sa urong-sulong na pagtatalaga sa nasabing posisyon na nagbunsod upang magmukha tuloy walang maayos na pagpapasya ang Pangulo.

Dahil sa isyung iyon ng Firing Line, dumagsa ang mga DM sa aking socials, ipinaalam sa akin kung gaano na ngayon kakumplikado, kagulo, at ka-corrupt ang proseso ng pagpili sa susunod na hepe ng pambansang pulisya.

Sinabihan ako na isang Cabinet boys’ club daw ang nakialam at ipinagpaliban ang appointment ng PNP Chief. Bukod pa rito, nagpalipat-lipat din daw ng kamay ang tinatawag na lobby money.

Sakali man na totoo, isa itong maruming paraan ng pagpili sa hilera ng mga opisyal na papaboran ng Presidente, nang hindi man lang niya nalalaman!

Lilinawin ko lang na HINDI KO KAILANMAN sinabi na naging PNP Chief si Gen. Rommel Francisco Marbil dahil sa dirty money, suhol, o pitsa. Marahil ang mga bulung-bulungang ito ay nanggaling sa mga dismayadong opisyal mula sa kanilang hanay.

Sa huli, kahiya-hiya masyado ito; kaya dapat lang na ang Commander-in-Chief ay may paninindigan, paglilimi, sistematiko at, higit sa lahat, transparent sa pagtatalaga niya ng susunod na pinakamataas na heneral.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).