Home OPINION GULONG PULITIKAL SA MINDANAO NAGBABADYA

GULONG PULITIKAL SA MINDANAO NAGBABADYA

234
0

NAGTATATALON marahil ngayon si President Marcos, na para bang umiindak sa saliw ng mga kanta ng Duran Duran, dahil sa resulta ng pinakabagong survey ng Tangere kung saan sumipa ang kanyang trust at satisfaction ratings.

Ngayong ang kanyang trust score ay naitala sa 59.3% at 46.9% naman ang kanyang satisfaction, may dahilan nga naman para magpakasaya. Pero nakabitin lang ang mga numerong ito, lalo na at namumuro ang dissatisfaction sa Mindanao — isang maling desisyon lang niya sa pulitika at sasadsad ang mga numerong ito.

Nag-alanganin na ang political landscape sa Mindanao simula nang maluklok sa pagkapangulo si BBM.

Inakusahan ng pamilya Mangudadatu ang kanyang special assistant at matalik na kaibigang si Antonio Lagdameo Jr. ng korapsiyon at pakikisawsaw sa pulitika ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Ang mga kaganapang ito ay nakaugat sa pagguho ng dambuhalang koalisyon na binuo ng mga political dynasties sa termino ni  dating Pangulong Digong Duterte.

Ngayon na ang Partido Federal ng Pilipinas  ng administrasyon ay bumubuo ng alyansa sa United Bangsamoro Justice Party ng Moro Islamic Liberation Front, delikado ang sitwasyon ng pulitika sa rehiyon.

Namumuro ngayon ang BARMM Grand Alliance, dati ay makapangyarihang koalisyon ng pinakamaiimpluwensiyang angkan ng mga politiko, dahil tatlo sa apat na pamilyang nagtatag nito — ang mga Midtimbang, Mastura, at Sinsuat — ay nagsilipatan para suportahan ang UBJP. Hindi lamang nito pinilayan ang koalisyon, ibinulgar din nito ang malalalim na bitak sa pulitika ng Mindanao.

Mr. President, hindi lamang ito isang ordinaryong away-pulitika. Ang lumalalang tensyon sa rehiyon ay may posibilidad na sumiklab at mauwi sa hindi maganda.

Bago pa lalong lumalim ang mga bitak na ito sa pagitan ng mga alyansa, kailangang maging prayoridad ang pambansang seguridad at pakinggan ang military at security advisers, hindi lang ang mga tagapayo sa pulitika. Maaaring mauwi sa hindi maganda ang maling tantiya sa bagay na ito — hindi lamang para sa iyong survey ratings, kundi maging para sa kapayapaan at katatagan sa Mindanao.

Sana naman hindi na tayo makasaksing muli ng digmaang ala-Marawi.

 Drama ni Sara

Dumale na naman si Vice President Sara Duterte: todo-buwelta sa kanyang mga kritiko sa dalawang oras niyang paglilitanya ng sama ng loob noong nakaraang linggo. Tinapatan niya ang hamon sa kanyang sumailalim sa psychiatric evaluation habang iniiwasang sagutin ang mga katanungan tungkol sa umano’y maanomalya niyang paggamit sa kanyang budget.

Siyempre naman, mas pag-uusapan ang kanyang pagmumura, nakagugulat na mga pahayag, at pag-aaktong kinawawa para maiiwas ang usapin na dapat ay panagutan niya.

Pero huwag nating kalimutan ang isang nakadidismayang katotohanan na maaaring magbigay-katwiran kung bakit ganoon na lang ang galit niya. Totoo ba na karamihan sa mga kritikong ito ay lantarang sumuporta sa pamumuno ng kanyang ama sa loob ng anim na taon, sa kabila ng kabi-kabila ang naitatalang pag-abuso sa kapangyarihan?

Para bang bigla na lang, maiisipan nilang pumalag kapag kumbinyente sa kanila ang sitwasyon. Nasabi ko lang naman.

                             *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here