MANILA, Philippines – Hinamon ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo si Senator Imee Marcos na sampahan ng impeachment complaint ang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung naniniwala itong may nagawang mali sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pahayag ni Panelo ay matapos hingan ng reaksyon sa isinagawang pagdinig ng Senado sa pangunguna ni Sen. Imee upang talakayin ang paglabag sa ginawang pag-aresto kay Duterte at pagsuko sa kanya sa The Hague, Netherlands.
Giit ni Panelo, kung talagang seryoso ang senadora ay dapat siya mismo ang magsampa ng reklamo laban sa kanyang kapatid.
Sa isang Meet the Manila Press nitong Huwebes, sinabi rin ni Panelo na hindi siya naniniwala na kusang kumalas ang senadora sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Ayon kay Panelo, gusto lamang ng senadora na makuha ang simpatya ng Duterte supporters para makakuha ng boto at gayundin para itaas ng kanyang kapatid ang kanyang kamay para makakuha rin ng boto.
Sa madaling salita, sinabi ni Panelo na ‘namamangka sa dalawang ilog’ ang senadora.
“Alam mo ang problema sa babaeng yun, namangka siya a dalawang ilog–gusto niya kumuha ng boto sa Duterte, gusto niya rin kumuha ng boto sa Marcos, binabanatan niya kapatid niya pero nagkakandarapa siya na itaas ang kamay ng kapatid niya,” sabi pa ni Panelo.
Sa nasabing pagdinig, hindi rin bilib si Panelo dahil aniya nakita naman ng lahat kung ano ang totoong nangyari. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)