Home HOME BANNER STORY HEA natanggap na ng health workers

HEA natanggap na ng health workers

MANILA, Philippines- Natanggap na ng health workers mula sa Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) ang matagal na nilang hinihintay na health emergency allowances (HEA) noong Marso 13.

Dumating naman ang allowance ng mga nasa Philippine General Hospital (PGH) noong Pebrero 22 habang mas maaga sa DOH-retained hospital noong ikalawang linggo ng Pebrero.

Kinumpirma ito ng Alliance of Health Workers (AHW) nitong Sabado sa inilabas na pahayag matapos ang dalawang taong panawagan ng health workers na ibigay na ang kanilang HEA.

Pinuri ng AHW ang pagkakaloob ng allowance at tinawag itong makabuluhang tagumpay para sa mga dedikadong indibidwal na nanguna sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ng AHW na ang mga allowance na ito ay nagsisilbing pagkilala sa mga sakripisyong ginawa ng mga manggagawang pangkalusugan na nagbuwis ng kanilang buhay upang magbigay ng pangangalaga at suporta sa pasyente.

Binati ng AHW ang mga unyon, mga manggagawang pangkalusugan, at iba pang organisasyon na walang sawang nagsusulong para sa pagpapalabas nito.

Binigyang-diin din nito na ang ginawang pagkakaisa at sama-samang pagkilos at hindi natitinag na determinasyon ay nagtulak sa DOH, Department of Budget and Management (DBM), at administrasyong Marcos na tuparin ang kanilang pangako.

Samantala, hindi pa naipamamahagi ang HEA para sa mga manggagawang pangkalusugan sa pribado at LGU hospitals na nagbibigay-diin sa patuloy na mga hamong kinahaharap ng mas malawak na komunidad ng pangangalagang pangkalusugan.

Bukod dito, binigyang-diin ng AHW na ang tagumpay ng pakikibakang ito ay nakatuon sa yumaong si Jose “Joey” Espanillo, isang pioneering figure sa sektor ng pangangalagang pangkalusugan.

Iginiit din nito na ang pamumuno at adbokasiya ni Espanillo para sa mga karapatan ng manggagawang pangkalusugan ay nag-iwan ng hindi maalis na marka sa kilusan para sa patas na pagtrato at suporta.

“We proved once again that indeed, our strength is in our unity; our success is in our collective action,” sabi ng AHW. “Long live genuine, militant, and patriotic unionism among the health workers,” dagdag pa ng samahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleDangerous heat indices naitala sa 2 lugar
Next article‘Pagpanaw’ ni Zulueta pinaiimbestigahan ni Remulla