Home OPINION HINDI TAO, HINDI HAYOP PERO SUMASAMBA SA PERA

HINDI TAO, HINDI HAYOP PERO SUMASAMBA SA PERA

288
0

SA usaping health and safety madalas itanong, “ano ang source ng panganib?” Sa gumugulong na pagdinig ngayon sa kongreso ukol sa korapsyon sa flood control projects, malinaw na ang ‘hazard’ dito ay ang kasakiman.

Nabisto ang sabwatan ng ilang kontratista tulad ng mag-asawang Discaya, empleyado ng Department of Public Works and Highways at iba pang ahensya kabilang ang mga lumutang na pangalan ng ilang mambabatas na diumano’y naging kakutsaba at nakinabang sa kanila. Nabulgar sa taumbayan kung gaano kalaki ang naging “kickback” sa bawat proyekto kabilang ang ‘ghost projects’ at depektibong flood control system.

Habang nagka-casino at isinasaboy ng grupo nina dating DPWH official na sina Henry Alcantara at Brile Hernandez ang multi-milyones na hinihinalang mula sa flood control budget ay inaanod naman ang kabuhayan ng ating mga kababayan dahil sa matinding pagbaha.

Ang korapsyon ay hindi lamang usaping pulitikal, maituturing din itong public safety issue. Kapag nawaldas kasi ang pondo, hindi matatapos ang drainage systems, bibigay ang mga kalsada at malulunod ang bawat komunidad. Parang fire exit na hinarangan ng mga kahon na kapag may emergency, siguradong trapped ang evacuees.

Sa gitna ng mga hearing sa kongreso, ramdam natin ang tensyon. May mga tanong na tila paninira sa nakaraan at may iba namang depensa para sa kasalukuyan. Pero huwag kalilimutan ng ating mga mambabatas na pinanonood sila ng taumbayan. Iba ang noon sa ngayon, kasi mayroon na tayong social media ngayon. Marunong nang humimay ng impormasyon ang taumbayan. Lalo na ngayong naramdaman ng marami ang matinding epekto ng sobrang kasakiman at pag-abuso sa kapangyarihan.

Kapag tuluyang nawala ang tiwala ng mga tao sa pamahalaan, hindi maganda ang magiging resulta. Mahirap magpatupad ng batas kung walang maniniwala at puro pagdududa.

Kaya paalala natin, dear readers, sa mga nasa pwesto, tigilan na ang pulitikal na palabas. Iwaksi ang usaping maka-administrasyon o oposisyong umpukan. Ituon lamang ang atensiyon sa tunay na anomalya, maglatag ng ebidensya at magpataw ng nararapat na parusa ng walang kinikilingan.

Isang babala: ang labang kontra-korapsyon ay hindi dapat para sa kapangyarihan, kundi para ito sa kaligtasan ng ating bayan. Kung ito’y magpapatuloy, unti-unting guguho ang tiwala ng mamamayan. Ayaw nating magkaroon ng inisyatiba kung saan ang taumbayan na mismo ang hahatol at magpapataw ng parusa para sa mga politikong ‘hindi tao, hindi hayop’ na sumasamba sa pera.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here