Home OPINION HUNGKAG NA PROGRESO

HUNGKAG NA PROGRESO

1
0

IDINEKLARA ng World Bank ang Pilipinas bilang isang Upper-Middle Income Country. Tinawag ito ni Executive Secretary Ralph Recto na isang mahalagang pangyayari para sa trabaho, kita, at tiwala ng mga mamumuhunan.

Ngunit sa likod ng sinasabing “pag-unlad” na ito, ang Pilipinas ay nahaharap sa maraming paghihirap.

Ang mga tao ay nagdurusa, maraming walang trabaho, maraming nagugutom at maraming nagkakasakit pero walang pambayad sa pagpapagamot.

Ang Gross Domestic Product ay umaabot sa 2.8%, ang implasyon ay sumisira sa mga pamilya sa 7.8%, ang pangangalagang pangkalusugan ay nawalan ng pondo, at ang korapsyon ay laganap, halimbawa ang pandarambong sa pondo para sa mga proyektong pagkontrol sa baha.

Ang ipinagyayabang na pag-unlad na ito ay hindi nararamdaman sa buhay ng mga tao. Nagmimistula lang itong sagisag o palamuti subalit hungkag na nakadikit sa isang sugatang bansa.

Sa totoo lang, maraming mamumuhunan ang umaatras sa pagnenegosyo sa bansa at pinipili na lang sa iba mag-invest imbes na sa Pilipinas. Kung bakit? Maraming red tape bago makapagsimula ng negosyo.

Ang bagong dagdag na P85 sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa Luzon ay barya lang na itinuturing ng mga middle class. Hindi pa rin sapat sa napakataas na bilihin at maraming buwanang bayarin.

Ang layunin ay isa lamang “press release” upang paniwalain ang taumbayan na maayos na tumatakbo ang lahat sa Marcos administration at matino ang ginagawa nitong pagpapatakbo sa pamahalaan para maiyabang sa darating na SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Dayunyor.

Ang totoong ay ito: Sino ba talaga ang nakararamdam ng progress na ’to?

Kasi maraming ordinaryong Pilipino ang hirap na sa araw-araw na gastos.

Kung tunay na umaangat ang Pilipinas, dapat ramdam ito hindi lang ng mga makapangyarihan at may mga koneksyon–kundi maging ng mga ordinaryong pamilya sa kanilang hapag-kainan, buwanang sweldo, trabaho, negosyo, edukasyon, at kalusugan.

Ika nga, hindi sapat na maganda lang ang mga numero sa papel. Dapat ay umangat din ang buhay ng bawat Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here