Home OPINION HUWAG LANG MAGDASAL, KUMILOS DIN

HUWAG LANG MAGDASAL, KUMILOS DIN

248
0

TUWING may anunsyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na malakas na bagyo, marami ang nagdarasal na sana hindi tumama sa kanila.

Ang problema, lumalabas na may sariling kilos ang kalikasan at taliwas pa nga sa dasal ng mga tao.

Maliban na lang siguro kung magiging awang-awa na ang Diyos at gagawa ng paraan ito na lusawin, pahinain o iligaw ang bagyo sa kung saan-saan na walang mapipinsala.

Sakaling isang pagsubok sa pananampalataya ang pagkakaroon ng bagyo, dapat kumilos pa rin ang lahat laban dito, bukod sa magdasal.

Hindi dapat iasa lahat sa Diyos ang kaligtasan mula sa mga poot ng kalikasan lalo na kung isiping binigyan naman tayo ng isip at lakas na lumaban dito at gawa rin ng tao ang pagdating mga bagyo, baha, landslide at iba pa.

Halimbawa, itulak o pwersahin ng mga tao ang mga opisyal ng pamahalaan na huwag pagnanakawin ang mga pondo laban sa baha at kung may magnanakaw, itulak o pwersahin silang pumasok sa mga kulungan.

Panahon na ring pag-aralan ng lahat, lalo na ang pamahalaan, ang mga dahilan ng mga pagkakaroon ng bagyo at baha.

Kasama dapat sa pag-aaral ang pagprotekta at hindi pagsira sa kapaligiran.

Nasisira ang kapaligiran, at sa partikular, dahil sa mga proyektong pangkaunlaran gaya ng pagmimina, paggawa ng mga subdibisyon at industrial-commercial zone, dito nakakalbo ang mga bundok at kagubatan.

Sa puntong ito, dapat may kapalit na proyektong reforestation na makatutulong hindi lang laban sa hampas ng hangin kundi sa tulong ng mga sari-saring puno sa pagsipsip sa mga tubig-ulan at baha.

Ang paglalaan ng kaukulang pondo para sa reforestation o pagtatanim ng mga puno at pagsawata sa walang pakundangang pagsira sa kapaligiran ng mga negosyante at iba pa pangunahin dahil sa pagkaganid sa pera ay dapat na isagawa.

O papaano?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here