KAPAG may nangyayaring natural na sakuna, lalo na ang malakas na bagyo, ang higit na pinakaapektado ay tayong mga mahihirap o dukha.
Tayo na ang mga bahay na nakatirik sa tabing-kanal, gilid ng ilog o patakbuhing pabahay na itinayo sa mga madaling gumuhong lupa. At sino itong mga palaging ligtas at hindi apektado ng mga landslide at pagbaha?
Sila ang mga pamilya nina Martin Romualdez, Zaldy Co, Bongbong Marcos, mga senador o kongresman na nagkamal at napuno ang mga maleta ng pera mula sa flood control projects.
Ang mga animal na ito na kung ating tawagin ay maraming bahay na pwede nilang lipatan kapag may nawasak na isa. Mayroon silang magagarang bahay sa mga malalaking subdibisyon at matataas na gusali na hindi kayang abutin ng baha.
Sina Romualdez at Co nga e, may mga condominium kung saan lang nila dinadala o itinatago ang kanilang male-maletang pera mula sa flood control projects.
Mayroon din silang mga chopper at eroplano na agad na magagamit kapag ginustong magbakwit at bumiyahe kung saan-saan nang hindi dadaan sa mga lugar na may baha. Sobrang ginhawa ng kanilang mga buhay kahit magkakrisis at magkadelubyo habang tayo ay nahihirapan sa mga ginagawa nilang pagnanakaw at kabulastugan sa gobyerno.
‘Yung mga gamit, sasakyan at bahay nating ipinundar mula sa inutang, nawasak nang gayon-gayon lang. Matatagalan pa bago ulit tayo makabangon.
Ang mga walanghiya ay relaks na relaks lang sa kanilang buhay. Tapos ay sila na naman ang makikinabang sa gitna ng ating paghihirap sa mga kalamidad.
Magnanakaw at kukupit na naman sila sa kunwari ay mga tulong na ihahatid sa atin. Ang deklarasyon ng “national state of calamity” ay nangangahulugan ng paggalaw na naman sa pera ng bayan. Pero ang makararating sa atin ay supot ng mga kakarampot na pagkain.
Tayong mga ordinaryong mamamayan ay palagi na lang pinahihirapan. Ngunit wala tayong magawa. Ang karamihan sa atin ay wala nang oras magreklamo. Tila napagod na. Pinababayaan na lang natin silang patuloy na tayo’y budulin, dambungin at lokohin.
Kasi’y sa hirap ng buhay, mas inuuna ng marami sa atin ang kaligtasan ng mga sarili at pamilya. ‘Yung bang kanya-kanya na, bahala na sina Batman at Superman.






