Home OPINION IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA AT FLOOD CONTROL SCAM, SABAY IPALABAS

IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA AT FLOOD CONTROL SCAM, SABAY IPALABAS

1
0

AYON sa isang survey, nawawalan na ng interes ang karamihang Pilipino na subaybayan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Marahil, marami ang naghihintay na lamang sa magiging hatol ng impeachment court kaysa gugulin ang kanilang oras sa panonood ng bawat pagdinig.

Sa kabilang banda, tila “BALIK-BAHA” na naman sa Metro Manila at iba pang lugar na, sa mga ulat, ay nilagyan ng bilyun-bilyong pisong flood-control projects—may mga proyektong sinasabing depektibo, substandard o ghost projects.

Dito pumapasok ang isang mapait na tanong: Paano tayo makamo-“move on” sa flood-control scandal kung patuloy pa rin ang pagbaha habang ang mga isyung may kinalaman dito ay hindi pa lubusang nalilinaw at ang mga itinuturong responsable ay hindi pa napananagot?

Mas nakapagtataka rin sa publiko kung may mga personalidad na sangkot o inuugnay sa mga kontrobersiya sa flood-control projects na nakikita ngayon bilang prosecutors o Senator- judges sa impeachment trial. Hindi nangangahulugan itong awtomatikong may sala sila. Ngunit sa usapin ng tiwala ng publiko, ang hitsura ng conflict of interest ay sapat nang dahilan para humingi ng malinaw na paliwanag.

Paano nga ba gaganahang manood ang taumbayan kung ang ilan sa mga personalidad na nais nilang makitang managot sa ibang usapin ay sila ring gumaganap ng mahalagang papel sa paglilitis?

Sa flood-control scandal, maaaring subukang tabunan ng pera, impluwensya o kapangyarihan ang katotohanan. Ngunit may isang bagay na mahirap pagtakpan: ang baha.

Hindi nasusuhulan ang ulan. Hindi nito kinikilala ang partido. At hindi nito binabasa ang script ng impeachment trial.

Kaya bakit hindi sabayan ng media coverage ang impeachment proceedings at ang aktwal na kalagayan ng mga binahang komunidad?

Kapag nakatutok ang camera sa isang senator-judge, ipakita rin ang mga komunidad na hanggang ngayon ay lumulubog sa baha—lalo na kung may alegasyon ng flood-control projects sa kanilang lugar na kailangang imbestigahan.

Maaaring sabihin ng iba na walang direktang koneksyon ang flood-control scam sa impeachment trial ni VP Sara.

Tama.

Pero sa ilang senador, maaaring may mga tanong sa pananagutan at kredibilidad na kailangang sagutin.

Ang hinihintay ng tao ay hindi lamang impeachment na pinapanood ng bayan subalit higit sa lahat ay pananagutan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here