Home NATIONWIDE Import ban ng manok, poultry products mula Maryland at Missouri ipinatupad ng...

Import ban ng manok, poultry products mula Maryland at Missouri ipinatupad ng DA

MANILA, Philippines – Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pagpasok ng mga ibon at poultry products mula Maryland at Missouri upang pigilan ang pagkalat ng H5N1 bird flu.

Kabilang sa ipinagbabawal ang karne, itlog, sisiw, at semilya mula sa mga naturang estado.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kailangang palawakin ang trade restrictions dahil sa mabilis na pagkalat ng bird flu sa U.S., kung saan 145 milyong manok ang kinailangang patayin. Sa Maryland at Missouri, 13.2 milyong ibon ang apektado mula Enero 23, at 89 flock ang nagpositibo sa sakit.

Sa ilalim ng Memorandum Order No. 7, sinuspinde rin ng DA ang pagbibigay ng import clearances para sa poultry mula sa dalawang estado. Ngunit maaaring payagang makapasok ang mga shipment na naipadala na kung napatunayang pinatay o ginawa ang mga produkto 14 na araw bago ang unang kaso ng outbreak.

Nauna nang nagpatupad ng import ban ang DA sa South Dakota at ilang bahagi ng New Zealand dahil sa bird flu. Wala pang naitalang kaso ng H5N1 sa Pilipinas hanggang Pebrero 7, ayon sa Bureau of Animal Industry. RNT