Home OPINION INOSENTE KUNWARI

INOSENTE KUNWARI

261
0

KUNG umasta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, akala mo ay inosente siya sa sumambulat na garapal na pagnanakaw sa trilyones na pondong bayan sa pamamagitan ng mga “ghost flood control” project sa iba’t ibang lupalop ng bansa.

Sabi niya, kung hindi lang daw siya Presidente ay baka dumalo rin siya sa mga ikinakasang malawakang protesta dahil sa mga nasabing katiwalian.

Marami na lang ang natatawa sa kanya. Sabi nga nila, isa naman daw itong “budol words” mula kay Bongbong.

‘Yung dating “nepo baby” e gustong magpanggap na aktibista. Bwar, har, har! Galit-galitan, Pa-inosente ang peg, ika nga.

Pero malinaw na siya ay “naghuhugas kamay” sa mga kabulastugan sa kanyang gobyerno.

Kaya nga raw niya binuo ang Independent Commission for Infrastructure ay para maiwasan sa iimbestigahan ang kinalaman niya sa korapsyon.

E hindi ba’t sa mga kamay rin niya nagsimula ang pinakamalaking anomalya sa ghost flood control projects.

Si Pangulong Bongbong ang pumipirma sa budget na dinarambong ng mga politiko at kasabwat na kontratista sa tinawag niyang mga guni-guning proyekto. Ang pinakamatinding pang-aabuso ay nangyari sa huling tatlong pambansang badyet.

Hinayaan niya ang maanomalyang kalakaran at ngayo’y pumopostura siyang “walang alam” sa nangyaring kurakutan.

Tama lamang ang mga hamon sa ICI na isama sa kanilang imbestigasyon ang Malacañang.

Ngunit hindi siyempre baliw si Marcos para ipahamak ang sarili. Para hindi humantong sa kanya ang imbestigasyon, bumuo siya ng grupo ng mga imbestigador upang “mailihis ang totoo”.

Ang ICI sa malamang ay magiging isang instrumento lamang ng propaganda ng estado. Lilimitahan ang pokus ng pagsisiyasat sa kabalbalan ng tunay na utak o sa pinagmulan ng problema sa pagnanakaw ng mga pondo sa imprastraktura. Upang ang mga tunay na buwaya at buwitre ay magmukhang inosente.

Ngunit sige lang. Magkubli lang sila. Kasi’y habang sumasabog ang mga bomba ng katotohanan araw-araw, lalo lang lumalakas ang pag-aalsa.

Magmamasid at magbabantay ang mamamayan sa ICI.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here