Home OPINION KAHULUGAN NG SERBISYO PUBLIKO

KAHULUGAN NG SERBISYO PUBLIKO

178
0

ISANG napakalaking oportunidad ang makapagsilbi sa bayan lalo na kung may inaasahan kang sweldo kapalit ng serbisyo. Hindi lamang ito isang trabaho kundi isang tungkulin na may kalakip na pananagutan sa sambayanang Pilipino. Kasi nga naman, tax ng bawat mamamayan ang ipinambabayad sa bawat empleyado ng pamahalaan kaya nararapat lamang na maisakatuparan ang bawat responsibilidad ng may integridad, respeto, at malasakit sa kapwa.

Malinaw ang kahulugan ng terminong ‘public servant’ o tagapaglingkod ng bayan. Kailangang maintindihan ng bawat kawani na may dalang problema o pangangailangan ang mga taong lumalapit sa kanila. Kabilang dito ang overseas Filipino workers na naghahanap ng kakampi at umaasang matutulungan ng embahada sa kanilang karaingan. Subalit, kailangan silang harapin nang may pasensya, propesyonalismo, at paggalang.

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang isang viral na video na nagpapakita ng isang hindi magandang halimbawa ng treatment sa ilang OFW mula sa isang kawani ng Migrant Workers Office ng Department of Migrant Workers sa Bahrain na apektado rin ng kasalukuyang giyera. Kung panonoorin, makikitang tila pinapaalis at pinagsasabihan nang hindi maganda ang ilan nating kababayan na humihingi ng tulong sa kanila. Iginigiit kasi ng kawani na wala nang pondong pang-ayuda at maaari silang (OFW) magsumbong kahit kanino kung nais nila. Ang ganitong pag-uugali ay nakadidismaya kaya naman agarang ipinag-utos ng pamunuan ng DMW ang recall ng naturang empleyado.

Ang mga OFW ay matagal nang kinikilala bilang mga modernong bayani ng ating bansa. Nagpunta sila sa ibayong-dagat upang masuportahan ang kanilang pamilya at makatulong sa ekonomiya ng Pilipinas. Hindi ba nararapat lamang na sila ay suklian nang may paggalang at malasakit imbes na bigyan ng karagdagang problema?

Ang tunay na sukatan ng isang mahusay na government employee ay hindi lamang ang kakayahang sumunod sa proseso, kundi ang kakayahang maglingkod nang may puso. Ang simpleng pakikinig, maayos na pagpapaliwanag, at magalang na pakikitungo ay malaking bagay na para sa bawat mamamayang humihingi ng tulong.

Dapat pakatandaan ng bawat kawani ng pamahalaan na ang posisyon ay hindi simbolo ng kapangyarihan, kundi isang pagkakataon upang makapagsilbi sa ating mga kababayan. Sa pamamagitan ng tunay na serbisyo publiko, naipakikita ang tunay na pamantayan ng mabuting pamamahala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here