Home OPINION MALALA PA SA COVID-19

MALALA PA SA COVID-19

129
0

SUMIRIT na ang presyo ng mga produktong petrolyo!

Ito ay magpapatuloy habang hindi natatapos ang digmaan sa Gitnang Silangan kung saan nagmumula ang karamihan sa suplay ng petrolyo sa buong mundo lalo na’t hindi pa rin madaanan yung Strait of Hormuz.

Gaya nang tinuran sa pitak na ito, malas ang aabutin ng administrasyong Marcos Jr. dahil pihadong sa kanya ang sisi ng taumbayan na nagsimula nang mag-ingay ng mga reklamo at hinaing dulot ng nagbabantang kahirapan.

Mayroon lumabas na kautusan ang Malakanyang para ipatupad ang tinatawag na ‘4-day work week’ sa mga tanggapan ng gobyerno upang magkaroon ng mula 10%-20% tipid sa paggamit ng petrolyo at kuryente.

Subalit ilan lamang ang mga opisina ng gobyerno kung ihahambing sa mga opisina o establisimyento ng pribadong sektor. Kapiranggot lang din ang mga kababayan natin na kawani ng gobyerno batay sa kabuuang bilang ng manggagawa sa buong bansa.

Masyadong maliit ang magiging epekto ng nasabing kautusan mula sa Malakanyang dahil ang malaking bulto o bilang ng mga gagamit ng petrolyo at kuryente ay mananatili o ika nga e ‘status quo’ tulad ng mga pabrika.

Masdan natin, mga kababayan, sa tuwing walang pasok ang mga kawani ng gobyerno ay tila walang pagbabago. Marami pa rin ang sasakyan sa lansangan kaya masikip pa rin ang daloy ng trapiko at marami pa rin sa ating mga kababayan ang gumagalaw para sa kanilang aktibidad.

Subalit kung ang ‘holiday’ ay para sa buong sektor ng manggagawa tulad ng Semana Santa ay ramdam ang epekto nito sa buong bansa. Humihinto o nababawasan ang maraming makinarya na gumagamit ng petrolyo at kuryente ganoon din ang galaw ng mga tao at sasakyan.

Noong panahon ng pandemya o yung Covid-19 ay pinagbawalan ang maraming uri ng galaw o aktibidad. Karamihan sa mga tao ay hindi na rin pinalabas ng kanilang mga tahanan kaya nauso noon ang ‘Work from Home’ – tipid sa petrolyo pero nagtuloy ang buhay at ating ekonomiya.

Mas malala pa sa Covid-19 ang sitwasyon ngayon, taumbayan. Ito ay kung hindi magtutulungan at maglalaan ng sakripisyo ang lahat ng Pinoy. Hindi puwedeng mga opisina at kawani lang ng gobyerno ang may kilos upang magtipid sa panahon na ito. Nasaan na yung ‘Sana All’?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here